Thursday, January 10, 2013

Unang Araw ng Aming Pagsusulit !


Mahal kong Talaarawan ,
      
       Ito ang unang araw ng aming ikatatlong markahang pagsusulit. Nagdala ako ng ilang mga kwaderno upang makapagribyu sa silid-aralan habang wala pang guro ngunit wala ring nagawa ang mga ito dahil wala akong maintindihan lalo na sa chemistry. Maya-maya pa ay dumating na si Mrs. San Jose na siyang magbibigay sa amin ng pagsusulit.
    Bago magsimula ang aming pagsusulit ay nanalangin muna ako na tulungan nawa ako ng Diyos sa pagsasagot at ilayo niya ako sa tukso. Ang una naming pagsusulit ay chemistry at buti na lang na nakinig ako nang mabuti sa huling araw ng pagtuturo ni Mrs Manlagnit bago mag-exam tungkol sa mga pormyula dahil halos lahat ng tanong ay tungkol dito kaya hindi ako masyadong nahirapan sa pagsasagot dito. Ngayon din kami nag-exam sa filipino at hindi rin masyadong mahirap ang mga tanong kaya sa unang araw nang aming pagsusulit ay medyo sisiw pa.
    Pag-uwi sa bahay bago matulog nang tanghali ipinangako ko sa sarili ko na magriribyu talaga ako pagkagising ko ngunit nang pagkagising ko ay may nakita akong bagong movie sa aming kompyuter na may pamagat na Abraham Lincoln:Vampire Hunter. Ang nasa isip ko'y sisilipin ko lang ang palabas na ito at papatayin ko na ang kompyuter ngunit hindi ko namalayang natapos na pala at ika-sampu na nang gabi kaya nakalimutan ko na namang magribyu at dahil inaantok na ako, eh natulog na ako.

Wednesday, January 9, 2013

Di Tuloy Nakapagribyu .


Mahal kong Talaarawan ,
      
       Ngayon ang huling araw ng ikatlong markahan dahil bukas na ang aming ikatlong markahang pagsusulit at medyo kinakbahan talaga ako dahil may mga aralin na wala ako sa silid-aralan pero magriribyu nalang ako.
    Nang hapon na ay nasira ang pinalano ko na ako'y magriribyu dahil nakita kong nanonood na naman si papa ng isang bagong movie na may pamagat na Dark Shadows at ako'y napanood na rin at natapos ito ng ika-siyam ng gabi kaya hindi tuloy aok nakapagribyu at ako'y natulog na.

Tuesday, January 8, 2013


Mahal kong Talaarawan ,

        Medyo kinakabahan ako sa magiging resulta ng aking marka sa aking kard dahil mababa ang marka ko sa aking mga kwaderno dahil wala akong masyadong naisulat pero pagbubutihan ko nalang sa exam para makabawi.
    Wala na naman si Gng. Mixto kaya si G. Mixto ulit ang nagturo sa amin. Pati rin si sir Espina ay wala at hanggang miyerkules daw siyang wala sabi ni G. Mixto kaya palagi kong bitbit ang aking proyekto.
    Pag-uwi ko sa bahay ay kumain na agad ako ng pananghalian dahil marami pa akong gagawin. Matapos kumain ay sinimulan ko na ang paggawa ng aking portfolio sa math na ipapasa bukas at mabuti'y natapos ko. 

Monday, January 7, 2013

Isa na namang Bagong Gawain !


Mahal kong Talaarawan ,



        Lunes na naman kaya kahit gusto ko pang matulog eh kailangang magmadali sa pagkilos dahil madalas nahuhuli sa klase ang kapatid ko dahil sakin. Pagdating sa silid-aralan ay napansin kong halos kompleto na kami dahil siguro sinagad na nila ang bakasyon. Wala na naman si ma'am Norbie kaya medyo nabagot ako dahil ang tagal dumating ng susunod na guro.

    Pagkatapos ng aming recess ay inaasahan kong nandiyaan si sir Espina dahil magpapasa ako ng proyekto, ngunit wala siya kaya bibitbitin ko na naman itong proyekto kong ampagkalaki-laki.

    Pagkatapos ng klase ay hindi muna ako umuwi dahil kinakailangan ko munang pumunta kay ma'am Cabrera dahil kinakailangan kong gumawa ng biswal para sa ikaapat na markahan dahil wala akong rekord sa kanya ngaung ikatlong markahan kaya kinakailangan kong gumawa nito at sa biyernes na agad ang pasahan. Sinabi pa ni ma'am na dahil magaling kaming gumuhit , siguro naman ay maganda kaming magsulat. Kinabahan ako dahil hindi ganun kaganda ang sulat ko, pero pipilitin ko pa ring mapaganda.

    Pag-uwi ko sa bahay ay sinimulan ko na ang paggawa ng aking mga portfolio dahil tatlo ang aking gagawin at sabay-sabay ang pasahan kaya kailangan ko nang simulan.

Sunday, January 6, 2013

Natapos Din ang Proyekto sa Wakas!



Mahal kong Talaarawan ,

        Maaga akong gumising dahil maaga akong pupunta ng simbahan ngaun dahil kailangan naming magpraktis para sa mga tutugtugin namin mamaya kaya pagkagising ko ay agad na akong nag-almusal at maya-maya pa'y dumating na ang naghahatid-sundo sa amin. Pagdating sa simbahan ay nanalangin muna ang lahat ng mga kabataan at tsaka kami nagsimulang magpraktis.
    Pagkatapos ng aming pagpapraktis ay may mga ilang tao na ang dumating at maya-maya pa ay nagsimula na ang simba. Pagkatapos ng simba ay sinundo na ako ni papa dahil pupunta pa akong national bookstore upang bumili ng paintbrush at ng ilang mga kagamitan na gagamitin ko sa paggawa ng aking proyekto at pagkatapos bumili ay umuwi na kami.
    Pagdating sa bahay ay nakalimutan kong hindi pa pala ako nanananghalian kaya kumain muna ako at tsaka ipinagpatuloy ang pagpipintura ng aking proyekto at mabuti'y natapos ko ito ngayong araw dahil bukas na ang pasahan nito.

Saturday, January 5, 2013


Mahal kong Talaarawan ,

    Pagkagising ko ay agad kong niligpit ang aking hinigaan at naglinis muna ng bahay dahil hindi ako papayagan ni mama na gumawa ng aking mga proyekto kapag marumi ang bahay kaya inuna ko muna ang paglilinis tsaka nag-almusal.
    Nang ako'y makapag-almusal ay tsaka ako nagsimulang gumawa ng aking proyekto sa T.L.E. na maliit na modelo ng bahay. Nang tanghali na'y sinamahan ko si mama sa talipapa na bumili ng aming uulamin sa hapon at pagbalik nami'y muli kong ipinagpatuloy ang aking proyekto.
    Nang ikatatlo ng hapon ay nakalimutan namin ni mama na hindi pa pala kami nanananghalian kaya pala gutom na gutom na ako kaya kumain na muna kami. Pagkatapos kumain ay ipinagpatuloy kong muli ang aking proyekto at hindi na ako naghapunan dahil marami akong nakain kaninang hapon.

Friday, January 4, 2013


Mahal kong Talaarawan ,

        Hindi sana ako papasok ngayon dahil ang lakas ng ulan dito sa amin ngunit pinilit ako ni mama dahil sayang ang ituturo ng mga guro lalo na't malapit na ang ikatlong markahang pagsusulit. Pagdating sa silid-aralan ay napansin kong lalo kaming nangunti ngunit kami na pala ang pinakamaraming mag-aaral na pumasok sa lahat ng nasa ikatlong taon.
    May bagong proyektong ibinigay sa amin ang aming guro sa filipino na isang maikling film kada grupo ngunit nag-aalala akong baka mahirapan na naman kami sa aming gagawing proyektong ito lalo na't may mga kagrupo kang magugulo tulad ng ginawa namin nung nakaraang taon. Pero umaasa ako na matatapos namin ito nang maayos.
    Isa ako sa mga inatasan ng aming guro sa T.L.E na magpapakita kung paano magpinta at kung papaano maghalo ng iba't-ibang kulay. Ginawa namin ito sa lahat ng istudyante ni sir kaya lumiban na naman kami sa mga susunod na agham. Pagkatapos namin sa aming ginagawa ay uwian na rin ng mga pang-umaga kaya pinakain muna kami ni sir dahil gagawin ulit namin ang pagdedemo sa kanyang mga istudyante sa panghapon.
    Pagkatapos nito ay umuwi na ako dahil may mga portfolio pa akong gagawin at malapit na rin ang pasahan nito.

Thursday, January 3, 2013


Mahal kong Talaarawan ,

        Sabik akong pumasok kanina sa silid-aralan dahil sobra din palang nakakabagot kapag bakasyon, lalo na't wala kang masyadong ginagawa kundi ang gumawa ng proyekto. Napansin kong kakaunti lang kami ngayon dahil siguro nasa bakasyunan pa ang iba kaya naman sa bandang unahan ako umupo dahil nasa pinakadulo ako. Karamihan sa ibang agham ay hindi muna nagsimula ng pormal na klase pero ang iba nama'y nagsimula na. Nang mag-uwian na ay pumunta kami ng aking mga kagrupo sa chemistry kay ma'am Manlagnit upang isaayos ang aming proyekto.
    Halos ikatatlo na ng hapon nang kami'y matapos kaya gutom na gutom ako ng ako'y umuwi. Nang matapos ako makakain ay nais ko sanang mag search sa internet pero magtatatlong araw nang wala itong koneksyon kaya naman natulog nalang ako at napagdesisyunang sa paggising ko na lang gagawin ang iba kong takdang-aralin.
    Pagkagising ko'y gabi na pala kaya kumain muna ako ng hapunan at tsaka nagmadaling gumawa ng takdang-aralin at pagkatapos nito'y nagbasa muna ako ng bibliya at tsaka natulog.

Wednesday, January 2, 2013

Mahal kong Talaarawan ,

        Kahit inaantok pa eh pilit akong ginising ni mama dahil maglalaba pa kami ng mga labahan. Halos mag iika-sampu na ng umaga ay hindi pa rin kami natatapos at dahil wala namang proyektong ginagawa ang aking kapatid ay siya muna ang pumalit sa paglalaba upang magawa ko naman ang aking proyekto. Nang matapos sila mama na maglaba ay saktong ika-labindalawa na ng tanghali kaya inihinto ko na muna ang aking ginagawa upang sabay-sabay kaming mananghalian.
    Pagkatapos naming mananghalian, kami ng aking kapatid ay naghanap ng mga magagandang pelikula sa internet upang panoorin dahil nga sa wala kaming telebisyon ay ito ang libangan namin. Pagkatapos namin itong idawnlowd ay kumain muna kami ng hapunan bago namin ito pinanood at mag-iikasampu na ng gabi nang ito'y matapos. Napakaganda ng palabas na ito, ito ay may pamagat na Rurouni Kenshin. Ito ay pelikula na ginaganapan ng mga totoong tao na mula sa anime na Samurai X.

Tuesday, January 1, 2013

Balik-Bahay .

Mahal kong Talaarawan ,

        Masyado akong napuyat kagabi kaya ika-sampu na nang umaga ng ako'y magising. Nang matapos akong mananghalian dito sa simbahan ay pauwi na ako sa aming bahay kasama ang aking kapatid at ang isa pang kaibigan ngunit sinabi ng aming pastor na sumabay na lang kami sa aming senior pastor. Kaya mag iikatatlo na nang hapon nang kami ay makauwi.
    Nasabik akong umuwi dahil matagal din akong nanatili doon sa simbahan. Pag-uwi ko ay ipinagpatuloy ko ang paggawa ng proyekto at nang matapos kumain ng hapunan ay maaga akong natulog dahil ako'y puyat pa din.

Monday, December 31, 2012

Pagsalubong sa Bagong Taon ! ^^


Mahal kong Talaarawan ,

        Lahat ay nasasabik para sa nalalapit na praise explosion mamayang ika-sampu ng gabi hanggang ika-isa ng umaga kaya todo praktis ang lahat sa kanilang mga tutugtugin at isa na ako doon.
    Habang nagluluto ang mga nakaatas sa kusina para sa mga kakainin mamaya ay siya namang aming pagpapraktis at nang magsisimula na ay nag-ayos na kami at dumating na ang mga panauhin tsaka nagsimula. Matapos mangaral ng mga pastor ay tsaka kami nagsimulang tumugtog ng mga awiting papuri.
Habang nagpuputukan sa labas ay umaawit naman kami ng mga awiting papuri para sa Panginoon. Nang matapos kami ay halos mag-iikatatlo na nang umaga tsaka kami nagpahinga. 

Sunday, December 30, 2012

Sabbath Day !

Mahal kong Talaarawan ,

        Maaga akong gumising dahil ngayon ay araw na takatalaga para sa Diyos, kaya agad akong kumain ng almusal at tsaka nag-ayos dahil malapit nang magsimula.
    Pagkatapos ng simba ay sinamantala ko na naman ang oras na wala akong ginagawa para sa paggawa ng aking proyekto. Pagsapit ng ika-tatlo ng hapon ay nakibahagi ako sa isang pagtitipon para sa mga susunod na henerasyon at maggagabi na nang kami ay natapos buti nalang may dala akong mga damit at dito na ako natulog sa simbahan dahil marami pang gagawin kinabukasan.

Saturday, December 29, 2012

Mahabang Pagpapraktis para sa bagong taon !

Mahal kong Talaarawan ,

        Ngayon ay araw ng sabado kaya masyadong akong naging abala nitong araw na ito. Ako ang nakaatas sa pagdidilig ng mga halaman dito sa aming simbahan kaya tuwing umaga ay ito ang aking ginagawa sa tuwing matapos akong mag-almusal.
Pagkatapos magdilig ay nagsimula na ang aming pagpapraktis. Ang unang nagpraktis ay ang mga nasa gulang at kasali ako doon dahil ako ang tumutugtog ng pyano. Ang sumunod na mga nagpraktis ay ang mga babaeng kabataan at ako din ang nagpyano doon. Sumunod naman ang mga lalaking kabataan at ako din ang nagpyano sa kanila at tsaka kami kumain ng hapunan. Ang mga awiting pagpupuri na aming pinaraktis ay para sa darating na bagong taon.
Sumakit ang mga daliri ko matapos ang aming pagpapraktis dahil wala ang isa pang tumutugtog ng pyano sa aming simbahan at matatagalan siya bago makabalik kaya ako ang isinalang. 

Friday, December 28, 2012

Mahal kong Talaarawan ,


        Pagkagising ko ay agad kong niligpit ang aking hinigaan dahil ako'y makikibahagi sa morning devotion. Pagkatapos ay tsaka kami nag-almusal kasama ang aming pastor.
    Habang kami ay nag-aalmusal ay dumating na si papa upang ako'y sunduin at ako'y nagpaalam sa kanila at umalis na kami. Bago kami umuwi ay ipinasyal muna ako ni papa kung saan siya palaging gumagawi kung siya'y nagbibisekleta at tsaka kami umuwi.
    Pagdating sa bahay ay sinamantala ko na naman ang paggawa ng aking proyekto at malapit ko nang matapos ngunit kinakailangan ko nang bumalik sa simbahan dahil may praktis pa kami kaya binalak kong dadalhin ko na lang ang aking proyekto upang doon gawin dahil hanggang bagong taon ako doon , ngunit nagpumilit si papa na siya na lamang ang gagawa kaya pumayag naman ako.

Thursday, December 27, 2012

Pagdalo sa Isang Pagpupulong .

Mahal kong Talaarawan ,

        Maaga akong nagising dahil pinabili pa ako ni mama ng pandesal at bihon para sa aming almusal. Pagkatapos kong mag-almusal ay agad kong sinimulan ang paggawa ng aking proyekto dahil sa pasukan ang pasahan kaya masayado kong minamadali.
    Pagsapit ng ikatatlo ng hapon ay pumunta ako sa aming simbahan kasama ang aking kapatid at ang aking kaibigang si Nems. Kami ay pumunta doon dahil kinakailangan naming pumunta doon dahil may pagpupulong at magpapraktis na rin ng aming mga tutugtugin para sa darating na bagong taon.
    Naglakad lang kami papunta doon upang makatipid sa pamasahe at hindi naman kami nahuli. Gabi na nang matapos ang aming pagpupulong at tsaka ko nalaman na doon pala matutulog ang dalawa kong kasama at nagdala na sila ng kanilang mga damit. Wala tuloy akong kasama sa pag-uwi kaya doon nalang ako pinatulog ni mama at kinabukasan nalang ako uuwi.

Wednesday, December 26, 2012

Kami ay Nagbisekleta !

Mahal kong Talaarawan ,

        Maaga akong nagising dahil sa ingay ng aking mga kasama sa bahay kaya't ako'y bumangon na dahil hindi na ako makatulog. Matapos mag-almusal ay nagyaya si papa na magbisikleta hanggang River park, at dahil ayokong kaming dalawa lang ni papa, ginising ko ang natutulog kong kapatid upang pasamahin, at tatlo kaming pumaroon.
    Nang makarating na kami ay sandali kaming nagpahinga sa tabi ng isang mangingisda na nasa tulay at tsaka nagpatuloy. Nakarating kami hanggang RiverBanks at doon ay muling nagpahinga at pagkatapos ay umuwi na kami.
    Nagmadali na kami sa aming pag-uwi dahil umaambon at baka kami'y abutin ng malakas na ulan.
    Mag-iikasampu na ng umaga nang kami ay makarating na sa bahay tsaka ko muling sinimulang ang paggawa ng aking proyekto. Nang mag-iikatatlo na nang hapon ay muli kaming bumalik ng Marikina upang mamili dahil maraming mura kapag buwan ng Disyembre. Pagkatapos ay umuwi na kami dahil gabi na.

Tuesday, December 25, 2012

Gumawa Lang ng Proyekto .

Mahal kong Talaarawan ,

        Itong araw na ito ay inilaan ko sa paggawa ng aking proyekto na maliit na modelo ng bahay. Nang makapag-almusal ako ay tsaka ko sinimulan ang paggawa at halos maggagabi na nang ako'y matapos. Kinakailangan ko kasing matapos ito bago magpasukan dahil ikatatlo ng Enero ang pasahan nito.
    Halos natapos ko na ang buong paligid nito nang ako'y huminto na sa paggawa at napagdesisyunang bukas na ipagpatuloy dahil sa ako'y pagod na.

Monday, December 24, 2012

Ang Aking Pamamasko sa Aking Ninong .

Mahal kong Talaarawan ,

        Maaga akong gumising ngayon dahil ako'y nakibahagi sa aming simbang madaling-araw. Pagkatapos nito'y sumunod naman ang pananalangin sa umaga at ako'y nakibahagi rin dito at tsaka tumulong sa pagluluto ng almusal para sa mga taong nakibahagi.
Pagkatapos nito'y nagteks si mama na dadaanan at susunduin na ako ni papa kaya inihanda ko na ang mga gamit ko at habang naghihintay ay naglinis muna kami ng simbahan at maya-maya'y dumating na si papa at ako'y umuwi na sa aming bahay.
Pagkarating ko'y kumain muna ako ng para sa pananghalian kahit na maaga pa at tsaka natulog muna dahil sa sobrang antok.
Halos hapon na nang ako'y magising at tsaka ko ginawa ang aking mga proyekto ngunit ako'y ipinatawag ng aking nag-iisang ninong na papa ni Nemuel na aking kapit-bahay na kaklase. Hindi ko sana balak na mamasko dahil nahihiya ako ngunit pagdating doo'y pinamaskuhan ako ng aking ninong at ako'y nagmano sa kanya. Natutuwa talaga ako sa ninong kong ito kahit na medyo may edad na dahil lagi niya akong pinapayuhan tungkol sa iba't-ibang bagay at akin namang pinakikinggan ang mga ito dahil na rin daw sa ikaayos ng buhay ko.

Sunday, December 23, 2012

Ayan Tuloy Naligaw !

Mahal kong Talaarawan ,

        Kami ng aking mga kaibigan na kasamang natulog ay maagang gumising dahil kami ay nag-ayos ng pagdarausan ng simba. Kami ring mga kabataan ang nagtuturo sa mga bata tungkol sa salita ng Diyos.
    Nang maggagabi na'y nagyaya ang isa kong kaibigan na pumunta ng Riverbank at ako'y sumama. Sobrang saya talaga dahil pagkagaling namin sa SM Marikina ay naglakad kami papuntang palaruan sa may tiangge at sa damuha'y kami'y nagpahinga dahil sa pagod. Kami ay nagkuhaan ng litrato kasama ang palakang nahuli ko at tsaka nagteks ang aming pastor at kami'y pinapauwi na dahil gabi na.
    Nang kami'y pauwi na ay pumunta muna kami sa mga istatwang kalabaw at doo'y nagsiumpukan. Pagkatapos ay nagsimula na kaming maglakad pabalik sa overpass sa SM Marikina upang doon sumakay ng dyip. Ngunit ako at ang aking kaibigan na si Cath ay namangha sa pinong-pinong buhangin na dinaraanan namin sa tabi ng ilog kaya't kami'y gumuhit-guhit sa buhangin at naglagay na rin ng isang dakot sa plastik bilang alaala.
Dahil sa sobra kaming nalibang, hindi namin napansin na wala na pala ang iba naming kasama at kami ay naiiwanan na. Hindi ko kabisado ang lugar na iyon dahil halos anim na taon pa lang ako nang huli kaming pumunta doon kasama ang aking mga magulang at ang aking nag-iisang kapatid na lalake.
Kami ni Cath ay kung saan-saan dumaan at sa wakas nakabalik na rin sa SM, ngunit hindi namin alam ang papuntang overpass pero bumili muna kami ng sorbetes sa nakita naming tindahan sa SM at ang dami na palang mensahe sa celpon ni Cath, puro pagtatanong kung nasaan na kami. Dahil sa wala lowd si Cath upang magteks, ako'y nakiusap sa babaeng nagtitinda ng sorbetes na kung pwedeng makiteks dahil naliligaw kami, mabuuti nalang at pumayag. Sinabi nila na nasa overpass sila kaya doon kami pumunta ngunit wala sila doon at muli silang nagteks na nasa baba sila kaya muli kaming tumakbo pabalik, sumakay ng dekoryenteng hagdan, at lumabas ng mall. Silang lahat ay nakaupo sa isang upuan nang makita namin sila, nakatulala at tahimik, nakita ko rin ang mga mata ng aking kapatid na halos paluha na habang nagagalit sa akin.
Sobra talaga akong napagod ng gabing iyon at ikasampu na ng gabi nang kami nakabalik sa simbahan kaya ako'y agad nakatulog.

Saturday, December 22, 2012

Hindi Inaasahang Paglalakad !


Mahal kong Talaarawan ,

    Sa paggising ko palang ay agad na akong pinaligpit ni mama ng higaan dahil nais niya na hugasan ko na ang mga pinggan dahil wala nang mapagkainan, madalas kasing iniiwan ko ang mga pinggan na hindi hugas sa gabi dahil nakakatamad at inaantok na ako.
    Pagkatapos nito ay tsaka ako nag-almusal ng pandesal at tsaka ko inayos ang aking mga damit sa lagayan nito dahil halos dalawang beses ko lang ito ayusin.
    Nang mag-ikasampu na ng umaga ay ako'y naghanda na dahil ako'y pupunta pa ng aming simbahan sa Penafrancia upang magpraktis dahil ako ang tumutugtog ng piyano o di kaya'y gitara. Kung minsa'y inaabot kami ng gabi doon kaya nagbabaon ako ng aking mga damit. Sabay kaming umalis ng aking kaklase at kapit-bahay na si Nemuel dahil siya ang nagtatambol.
    Sobra ang trapik papuntang Masinag, at nang kami ay sumakay ng dyip papuntang Cogeo ay nakita namin sa unahan ang hindi mahulugang karayom na mga sasakyan. Nagdesisyon kami na maglakad at mabuti na lang ay hindi pa kami nakakapagbayad.
    Pagod na pagod kami nang makarating dahil halos dalawang oras kaming naglakad at tsaka kami ay kumain na at nagpahinga. Ako'y doon na natulog dahil inabot kami ng gabi dahil sa dami ng ginawa.