Thursday, March 14, 2013

Ang Unang Araw ng Pagsusulit sa Ikaapat na Markahan -_-


Mahal kong Talaarawan,

    Ikapito ang aming pasok ngayon dahil araw ngayon ng aming markahang pagsusulit kaya hindi ako gaanong nagmadali at tila medyo maga pa ang aking mga mata. Hindi ako nakapagbalik-aral kagabi kaya dinala ko ang aking ilang kwaderno na kung saan ay maaari naming pagkuhaan ng aming pagsusulit ngayon. Pagdating sa silid-aralan ay agad akong umupo at kinuha ang aking kwaderno sa Chemistry at nagbasa-basa at kinabisado ang ilang pormula ngunit ang iba ay hindi ko na maintindihan kaya kwaderno naman sa Filipino ang aking kinuha dahil dito ay malaki ang aking tsansang pumasa kaysa sa Chemistry.
Nang dumating na si Gng. Norbie ay sinabi niya na Chemistry ang una naming pagsusulit at tila wala pa ako sa sarili dahil inaantok pa ako dahil sa nangyari kabagi. Habang kami ay nagsasagot ay sinabi ng aming guro na E.P. ang susunod kaya medyo natuwa ako dahil madali lang iyon at maaari pang makapagbalik-aral sa aming libreng oras.
Pagkatapos ng Chemistry ay E.P. naman at tuloy-tuloy ang aking pagsasagot dahil madali lang ngunit sumakit pa ang tiyan ata o puson ko at ang hirap kaya magsagot ng pagsusulit sa ganong kalagayan. Sa bandang dulong mga katanungan ay medyo nahirapan ako, anu ba namang malay ko sa babaeng gumanap na Eponin sa Les Mesirables? Michael Jordan pa ang naisagot ko sa PBA na naging senador na dapat ay si Jaworski. Yung mga tanong kasi wala naman sa aming mga pinag-aralan at hindi ko naman kilala yung mga yo'n tapos bigla nalang sa pagsusulit ng E.P.
Nang matapos ang E.P. ay tsaka ang aming libreng oras at ito ang pagkakataon na ako ay makapagbalik-aral. Filipino na lamang ang aking binasa dahil hindi na ako kukuha pa ng pagsusulit sa MAPEH dahil gumagawa kami ng mga kagamitan ng mga mananayaw. Nang magsimula na kaming magsagot sa Filipino ay may mga tanong na malalalim at bibigyan ng kahulugan na halos may kaparehas sa mga pagpipilian kaya medyo nahirapan din ako at sumasabay pa yung pagsakit ng tiyan ko ata o puson, di ko kasi alam kung saan banda yung puson at tiyan. Nalito rin ako sa dulo na patungkol sa ribyu dahil parang kakaibang ribyu ito. Pagkatapos ng Filipino ay lumabas na kami ng mga kasama ko sa paggawa ng kagamitan dahil hindi na kami kukuha ng pagsusulit sa MAPEH.
Ikatatlo na ng hapon ng ako ay makauwi dahil umuulan at wala akong dalang payong at hinintay ko pa si Joanne na aking kasabay dahil ngayon ay kanyang interbyu.

No comments:

Post a Comment