Friday, January 18, 2013


Mahal kong Talaarawan ,

       Kinabahan talaga ako kanina sa asignaturang Mapeh dahil isa-isa kaming tinawag ni ma'am Naculangga upang ipaliwanag ang mga larawan ng instrumento na nasa kanya at nang ako ang matawag, mabuti'y nakasagot ako. Sa Filipino naman ay gumawa na naman kami ng liham katulad noong ikalawang markahan at nakasisigurado akong ibibigay na naman ito ni Gng. Mixto sa aming mga magulang kaya hindi na lang ulit ako sasama sa pagpupulong. Sa T.L.E. naman ay inatasan ako ni sir Espina na magturo sa aking mga kamag-aral sa pagpipinta dahil tapos ko na ang pinta ko at wala na akong ginagawa.
       Pagkatapos ng aming klase ay umuwi na ako na sakay ng tricycle dahil tinatamad akong maglakad dahil sobrang init at nawawala pa ang payong ko. Pagdating sa bahay ay hindi ako nagmano kay mama kaya siya ang nagmano sa akin sabay hampas sa noo ko na basa pa ang kamay at kami'y nagtawanan. Hindi kasi namin kinasanayan ng aking kapatid ang pagmamano sa aming mga magulang kahit noong kami'y bata pa.
      Habang kami'y kumakain ni mama ay nakikinig kami ng mga liham na binabasa sa radyo dahil ito na ang nagsilbi naming telebisyon dahil may mga channel din ito tulad ng sa telebisyon. Pagkatapos kong kumain ay patuloy pa rin ako sa pakikinig ng radyo habang nililinis ko naman ang aking gitara dahil maalikabok na ito at kinakalawang na ang mga kwerdas dahil hindi ko ito ibinabalik sa lagayan pagkatapos gamitin.
Pagkatapos nito'y tsaka ko ginawa ang aking mga takdang-aralin sa iba't-ibang asignatura. Pero medyo nahihirapan ako sa pagbuo ng mga pangungusap sa aking gawain sa English kaya magpapatulong nalang ako sa aking kapatid ngunit may kondisyon at iyon ay ang hugasan ang huhugasan niyang mga pinggan, tamad kasi iyong maghugas ng pinggan. Pero ayus lang iyon basta't magkaroon lang ako ng takdang-aralin. 

No comments:

Post a Comment