Mahal
kong Talaarawan,
Maaga akong nagpagising kay mama dahil
ika-pito ang simula ng prayer meeting. Pagkagising ko ay kumain at nag-ayos na
ako tsaka pumunta doon. Pagkatapos ng devotion ay agad akong pumunta sa bahay
ni Medel na aking kaklase dahil may praktis kami sa Filipino. Pagdating doon ay
sobrang tagal bago makapag-umpisa dahil ang tagal dumating ng ibang miyembro
dahil siguro oras sa ibang bansa ang orasan nila. Ika-siyam ako pumunta doon
dahil iyon ang pinag-usapan ngunit magiika-labindalawa na kami naghanda. Isa
ako sa apat na tsismosang labandera kaya nakadaster ako at mukha talaga akong
labandera. Ang ibang labandera naman ay nagdala ng mga damit na aming lalabhan
at sabon bilang props, samantalang ang ilang lalaki bilang aguwador ay nagbihis
ng sando at syort. Hiniram ko muna ang tsinelas ni Diana na aking kagrupo dahil
nakarubbershoes ako nang pumunta doon at hindi daw siya sasama.
Una ay tumawid muna kami sa mauyog na
hanging bridge na halos mamatay na ang isa naming kagrupo dahil sa sobrang
takot at siya na lang ang naiwan. Pagkatapos doon ay umakyat naman kami sa
hagdang lupa na sobrang taas at dumaan pa kami sa isang covered court at
pinagtinginan kami dahil sa mga suot namin. Pagkatapos ay dumaan na naman kami
sa isang hanging bridge pero di na mauyog kaya ayus lang at nang makarating na
kami sa aming destination ay wala naman palang balon at puro dikit-dikit ang
bahay at may mga alagang baboy kaya agad kaming umalis dahil sa baho. Sinabi ko
sa kanila na kila Gelain na lang kami magshooting, isa sa aming kamag-aral
dahil may maayos na balon doon at wala gaanong tao, akala ko'y sa ilog kami
dadaan ngunit sa highway pala kami dumaan kaya lubos na kahihiyan ang inabot
naming mga labandera dahil sa mga suot namin. Meron pa kaming isang kagrupo na
nakayapak dahil sa akin, hiniram ko kasi ang panyapak ni Diana na sumama pala,
kaya nanghiram din siya sa iba. Sa mahaba naming paglalakad ay pinagtitinginan
kami ng mga tao dahil sa mga suot namin at nang makarating na'y nagkabisado
muna kami ng aming mga dialogo at tsaka nagsimula. Galit na galit na ang
tagakuha ng kamera dahil lagi naming nakakalimutan ang mga sasabihin namin.
Pagkatapos doon ay muli kaming naglakad pauwi at nakita kong nakayapak na si
Diana kaya ibinalik ko na sa kanya ang kanyang tsinelas kaya ako naman ang nagyapak
ngunit nang nasa mabato na kami ay pinahiram ako ng aking kamag-aral ng kanyang
panyapak dahil daw mukha akong pulubi.
Pagdating sa bahay nila Medel ay nagpahinga
muna kami at naglinis ng katawan at tsaka nananghalian kahit lipas na sa oras.
Siyempre hindi mawawala ang paglalaro at tawanan lalo na't marami kami at nang
mag-iikatlo na ng hapon ay nagmadali na akong bumalik sa aming simbahan dahil
may praktis pa kami para sa simba bukas at isa ako sa mga tumutugtog at
pagkatapos nito ay tsaka ako umuwi sa bahay na gabi na.
No comments:
Post a Comment