Saturday, March 30, 2013

Isang Mahabang Araw


Mahal kong Talaarawan,

    Mga ikaanim at kalahati pa lamang ng umaga ay bumangon na kami ni Cath dahil kinakailangan naming ayusin ang worship hall na kung saan ay doon kami natutulog dahil doon din ginaganap ang morning devotion tuwing umaga.
    Nang kami ay makapag-almusal ay sinimulan ng ng bawat isa ang kanilang mga gawain, habang ang iba ay binisita ang bahay ng mga bata, ako naman ay naglinis na lang ng mga salamin sa bintana ng worship hall dahil wala pa akong magawa.
    Nang hapon na ay nagsimula na kaming mag-ensayo para sa aming mga tutugtugin bukas sa pagsimba. Pagkatapos naming mag-ensayo ay naghapunan na kami at habang naghuhugas kami ni Cath ng mga pinggan ay bigla na lang nawalan ng koryente at sabi ni pastor na sa ikatlong palapag dahil mainit sa worship hall lalo na't walang koryente at siya ay umalis.
    Pero nang ikasampu na ng gabi ay nagkaroon na ng koryente at kami ay nagpudtrip dahil may mga dala si pastor na mga tsitsirya. Doon na kami natulog ni Cath sa taas dahil nakakatamad na lumipat sa baba kaso nga lang medyo nakakatakot dahil open ang lugar at wala pang pinto dahil hindi pa tapos gawin ang aming simbahan pero nakatulog rin ako sa kakalaro sa celpon.

Friday, March 29, 2013

Bakasyon Na Ba Talaga ?


Mahal kong Talaarawan,

    Maaga pa lang ay gising na kami ng aking kapatid dahil pupunta pa kami sa aming simbahan at hindi mawawala si Nemuel na lagi naming kasabay.
    Bago kami muling mag-ensayo sa pagtugtog ay ipinagpatuloy ko muna ang aking iginuguhit na mga larawan na pambata na gagamitin ngayon bakasyon dahil ilang araw ko na rin itong hindi nabibigyang-pansin dahil nagpipinta rin ako sa paaralan at sa Miyerkules ko na ibibigay kay ate Thea na guro ng mga bata. Naalala ko rin na may ipinagagawa pa pala sa aming mga kabataan si pastor Noi na isang komiks na ipamimigay rin sa mga bata siyempre ako na naman ang magguguhit. Hay naku! akala ko hayahay na ako ngayong bakasyon hindi pala. Pero mabuti na rin ito upang masanay at maintindihan ko na ang buhay ay punong-puno ng mga gawain.
    Dito na kami natulog ng aking kapatid kasama ang ibang kabataan, siyempre magkahiwalay ang babae sa lalake.

Thursday, March 28, 2013

May Praktis Pala ?

Mahal kong Talaarawan,     


   Hindi ko inasahan na pinapapunta pala ako sa aming simbahan upang mag-ensayo sa aming mga tutugtugin dahil may simba nga pala kami bukas kaya agad akong naligo at pumunta doon. 
   Nang matapos kaming magpraktis ay naglaro kami ng iba pang mga kabataan ng volleyball. Ang sakit-sakit pala sa kamay lalo na kapag hindi marunong. Ilang beses rin tumalsik ang bola sa kabila na kung saan ay may mga bahay kaya ginabi na lang kami sa kakahanap parati ng bola sa kabila.
   Gabi na ng kami ay natapos at nagdadalawang-isip kami ng aking kapatid kung uuwi kami o doon na lamang matutulog at sa umaga na lang aalis dahil inaantok na rin kami pero nang malaman namin na aalis din si pastor Noi ay umuwi na rin kaming kasabay niya, lagi kasi kaming nililibre ng pamasahe nun sa tuwing makakasabay namin siyang umuwi hehe.

Wednesday, March 27, 2013

Praktis-praktis Lang .


Mahal kong Talaarawan,


    Hindi kami magpipinta ngayon sa paaralan dahil sa Lunesnaman daw ulit kaya dito lang ako sa bahay at walang ibang ginawa kundi manood ng mga pelikula kasama ang kapatid ko, matulog at magpraktis ng piyano.
    Nang magising ako mula sa pagkakatulog ko ng hapon ay sinamahan ko si mama sa talipapa upang mamalengke at pag-uwi namin ay muli akong nagpraktis ng pagtugtog ng piyano, ang hirap pala kapag walang nagtuturo sa iyo at nagsisisi ako na dapat pala nung bata palang ako ay nagsimula na akong mag-aral nito dahil base sa nabasa at napapanood ko sa youtube ay mas madali daw matuto ang mga bata ng piyano dahil malalambot pa ng kanilang mga daliri. Ang mga pinag-aaralan kong tugtugin ay ang Lu Xiao Yu na isa sa mga ginawang musika ni Jay Chou sa pelikulang Secret.. Ang gaganda kasi ng mga musika na gawa niya.
    Pagkatapos nito ay nanood kami ng aking kapatid ng isang pelikula na may pamagat na Love in Disguise at nang ako ay matutulog na ay naalala ko na hindi ko pa pala nagagawa ang ipinapaguhit sa akin sa aming simbahan at naalala ko rin na hindi pa pala ako naghahapunan, puro kasi tinapay ang kinain ko kaya hindi ako nakaramdam ng gutom.

Tuesday, March 26, 2013

Di Pa Rin Maka Move-on sa Secret :>


Mahal kong Talaarawan,

    Hinapon na naman ako ng uwi kasabay si Jelly dahil nang matapos kaming magpinta sa paaralan ay pumunta kami sa bahay ni Xandra upang manood ng pelikula. Pagdating namin ay nadatnan namin ang ate niya na gumagamit ng kompyuter at gusto niya ring manood. Ang gusto nilang pelikula ay Secret dahil kumalat ang kwento sa marami ng ikwento ko kay Jelly at dahil gusto ko rin naman ulit itong mapanood, ito nga ang pinanood namin.
Siyempre di pa kami nanananghalian kaya doon kami sa kanila pinakain ni Sandra haha kung san-san na lang kami parati ni Jelly nakikikain. Pagkatapos nito ay sunod naming pinanood ang A Werewolf Boy dahil gusto itong mapanood ni Jelly at nang matapos na ay umuwi na kami ni Jelly.
Masaya pa ring panoorin ang mga pelikulang ito kahit napanood ko na ang mga pinanood namin kanina, sa bagay lahat naman kasi ng pelikula sa flash drive ko ay napanood ko na.

Monday, March 25, 2013

'Yun Pala 'Yung Tinatawag Na Movie Marathon ?


Mahal kong Talaarawan,


    Hay naku naman! kahit bakasyon ay nagpipinta pa rin kami sa paaralan pero ayus lang dahil may kasabay naman akong maglakad at iyon ay si Jelly.
    Nang ika-isa na ng hapon ay pumunta kami ni Jelly at Xandra sa bahay nila Soltes upang manood ng pelikula kaso hindi ko masyadong nagustuhan ang pelikulang pinanood namin na may pamagat na Warm Bodies. Nakakabagot kasi at masyado na akong naadik sa mga pelikulang asiyano kaya hindi ko ito nagustuhan dahil ito ay english movie.
    Ika-lima na ako nang makauwi sa bahay at sinabi ko naman na nagpunta pa ako sa bahay ng kaklase ko kaya ganoong oras na ako nakauwi at mabuti'y hindi naman ako pinagalitan at pinayagan pa kaming manood ng pelikula.
    Kungfu Dunk ang pamagat ng pinanood namin ng kapatid ko at maganda din ito kahit na medyo panlalaki dahil tungkol sa pagbabasketbol. Medyo hawig ang kwento niya sa anime ng japan na Slam Dunk. Bida dito si Jay Chou kaya mas nagustuhan ko ito, nagiging paborito ko na kasi siya dahil sa pelikulang Secret sobrang talentado talaga siya at magaling din siyang gumanap para sa akin, pati na rin si Guey Lun-Mei. Gusto ko ring panoorin ang mga pelikula ni Lun-Mei kaso nga lang wala masyadong napopost na pelikula niya sa pinagddownloadan ko.

Friday, March 22, 2013

Ang Saya Maligo sa Ulan !


Mahal kong Talaarawan,

    Sobrang bagal ng kapatid kong kumilos kaninang umaga kaya hanggang brgy. hall lang kami tuloy naihatid ni papa dahil mahuhuli na siya sa trabaho kaya naman hingal na hingal na naman akong nakarating sa silid-aralan.
    Habang tinuturuan ko ang mga kamag-aral ko ng pagtugtog ng gitara ay ipinatawag na naman ako kasama sina Dexter, Sablay, Robles, Diether, at Amor upang pintahan ang mga kagamitang gagamiting ng mga sasayaw.
    Nang ako ay naglalakad pababa ng siruna ay umambon ng malakas kaya naman binuksan ko ang aking payong at naalala ko ang aking kapatid na nasa paaralan pa ata dahil katatapos pa lamang ng recognition kaya bumalik ako. Hindi ko siya natagpuan at nakita ko si Jelly-Ann Vega kasama ang isa niyang kamag-aral na si ate Shiela at sila ang nakasabay ko sa pag-uwi. Kumakain kami ng sorbetes habang naglalakad pababa nang biglang bumuhos ang napakalakas na ulan kaya naman agad kong binuksan ang aking payong ngunit nababasa pa rin kami dahil hindi kaming tatlo magkasya sa iisang payong na mahuna kaya ng makakita kami ng silungan ay agad muna kaming sumilong at itinabi ang aming mga kagamitang hindi pwedeng mabasa at kami ay naligo sa ulan. Ang saya-saya talaga dahil unang beses ko itong maligo sa ulan galing sa paaralan.
    Pagdating ko sa bahay ay pinabanlaw ako sa labas ni mama at pinagsabihan na dapat ay sinolo ko na lamang ang payong, grabe talaga si mama. Nang ako ay matapos maligo ay binuksan ko ang kompyuter at nagdownload na naman ng kung anu-anong pelikula.

Thursday, March 21, 2013

Epic Fail Naman Lagi Mga DVD Nila !


Mahal kong Talaarawan,

    Pagkatapos naming magpinta ay hindi muna ako umuwi sa bahay dahil manonood pa kami kasama ang aking mga kamag-aral sa bahay ng aming kaklase dahil dala ko ang flash drive ko kaso hindi gumagana sa kanilang dvd ang aking flash drive tulad ng kila vega kaya nagsi-uwi na lang kame.

Wednesday, March 20, 2013

Ang Ganda-ganda Talaga ng Secret !

Mahal kong Talaarawan,


   Siyempre tulad pa rin ng dati pagkarating ng paaralan ay diretso agad sa aming pinagpipintahan upang magpinta hanggang uwian. Bago ako umuwi ay pumunta muna ako kay Gng. Mixto upang magbigay ng ilang pelikula ngunit wala sa kanya ang kanyang laptap kaya sinabi ko na bukas na lamang, para na rin maidagdag ko ang mga bagong iddownload ko pag-uwi. Mga dalawa kasi ang nai-ddownload ko sa isang araw at pinapanood ko naman kapag gabi.
   Nang gabi na ay nanood kami ng aking kapatid ng isang pelikula na may pamagat na Secret at sobrang ganda talaga ng kwento niya at nagagandahan talaga ako sa bidang babae na si Guey Lun-Mei. Bilib din ako kay Jay Chou dahil sa siya na ang sumulat, direktor, gumawa ng musika at ang bida. Ang galing-galing niya ding magpiyano grabe!    
   Nung napanood ko ang pelikulang ito ay naalala ko ang isang trailer na napanood ko dati sa youtube na gustong-gusto kong mapanood at natuwa ako na napanood ko na ito ngayon.    
Nang matutulog na kami ng kapatid ko ay pinagkukwentuhan pa rin namin ang pelikulang ito dahil ang ganda-ganda talaga.

Tuesday, March 19, 2013

Sayang 'Di Kami Nakapanood

Mahal kong Talaarawan,

    Walang kaming pasok ngayon dahil araw ng pagtatapos ng mga nasa ikaapat na taon kaya wala akong ibang ginawa kundi ang mag-aral kung paano magbasa ng nota at magdawnlowd ng mga pelikula. Nagbisekleta din kami kanina ng aking kapatid at medyo natagalan kami dahil kung saan-saan kami nagpupunta.
    Nang ikalawa na ng hapon ay naalala ko na pupunta pala ako ngayon kila Jelly upang kami ay manood ng mga pelikula kaya ako ay nagpahinga dahil galing ako sa kompyuter at tsaka naligo.
    Sabi niya ay wala siyang gagawin ngayon ngunit pagdating ko sa kanila ay gumagawa siya ng proyekto sa E.P. Ipinasak namin ang aking kard rider na may memory kard sa kanilang dvd ngunit hindi lumalabas ang pelikula kaya sinubukan naman namin ang flash drive na dala ko at hindi rin ito binabasa ng kanilang dvd kaya wala akong ibang ginawa kundi tulungan na lamang siya sa paggawa niya ng pamplet na proyekto niya sa E.P. at nagbasa ng libro mula wa wattpad sa kanyang celpon at ng ikaapat na ng hapon ay umuwi na ako sa bahay. Ayus lang na hindi kami nakapanood dahil ang mga gusto niya naman panoorin ay napanood ko na tulad ng windstruck at a werewolf boy at sigurado akong maiinip lamang ako. Pero masaya pa rin sana kung nakapanood kami dahil harutan toda max na naman ang mangyayari. 

Monday, March 18, 2013

Anu Ba Yan! Gusto Ko Pa Naman Maglinis .

Mahal kong Talaarawan,

    Huling linggo na itong pasok namin at medyo sabik akong pumasok ngayon dahil maglilinis lang kami ng silid-aralan at magliliha ng mga upuan na paborito ko.
    Natakot ako kanina dahil bigla na lamang nangisay ang kamag-aral ko at iniuuntog niya ang ulo niya sa upuan sa harap niya kaya inialis ko at muntik na siyang mahulog sa upuan niya kaya binuhat na siya ng aking mga kamag-aral at dinala sa pagamutan. Matagal kasi bago siya napansin ng aking mga kamag-aral at kahit sinasabi na namin sa kanila ay walang makarinig dahil sobrang ingay talaga dahil wala pa kaming guro.
    Maya-maya ay ipinatawag na naman ako ni sir Espina at ang iba ko pang kasama sa pagpipinta kaya hindi tuloy ako nakasama sa paglilinis at paglilihaat nang nag-uuwian na ay pinauwi na rin kami ni sir at ako naman ay umuwi na rin kaagad dahil umuulan-ulan at naiwan ko ang payong ko ngunit tumitila din naman.
   Nang ako ay makauwi na ay tumulong muna ako kay mama sa paglalaba upang ako ay kanyang payagan na pumunta kila Vega bukas.

Sunday, March 17, 2013

Yuhooo! May Keyboard na Ako !


Mahal kong Talaarawan,

    Matapos magsimba ay agad akong umuwing mag-isa dahil hapon pa uuwi ang aking kapatid at mag-iikalawa na ng ako ay makarating. Pagdating ko sa bahay ay nagpahinga muna ako dahil sa pagod at sobra na talaga ang init dahil tag-araw na. Habang nagpapahinga ay nanood kami nila papa at mama ng isang pelikula na may pamagat na A Moment In Time. Hindi ako masyadong nagandahan dahil hindi ko gusto si Julia sa mga palabas pero ang ikinaganda ay ang mga iba't-ibang bansang pinagganapan at ang pagganap ng magaling na aktor na si Coco Martin.
Matapos ito ay umalis kami ni papa at mama upang bilhin ang keyboard na tinignan namin dati sa surplus at nakakasigurado kami na hindi pa ito nabibili dahil pinuntahan ito kaninang umaga ni papa. Pagdating namin doon ay wala na doon dahil ipinadala ng may-ari/tindero sa isa nilang surplus sa Antipolo Robinson Homes kaya pumunta kami ni papa sa Antipolo at si mama naman ay umuwi na dahil hindi siya sana'y sa mahabang biyahe. Pagdating namin malapit sa simbahan ay itinuro sa akin ni papa ang keyboard na ibinebenta sa tindahan ng mga instrumento na Twinkle, ito ay bago at P2,800 lang ang halaga kaso nga lang ito ay china kakaunti ang pindutan kumpara sa isa at ayos na ito para sa akin ngunit sinabi namin na babalikan na lamang namin. Hinanap namin ni papa ang itinurong surplus na nasa tapat Robinson Homes at ito ay nakita namin at nandoon nga ang keyboard na yamaha PSR E323. Nagagandahan talaga ako sa tunog nito at mas marami ang mga pindutan nito. Kahit na sira ang LCD nito ay napawi naman ng mga magagandang bagay na mayroon dito kaya ito ang binili namin ni papa sa halagang P2,900, tinawaran kasi namin ni papa dahil ang tunay na halaga nito ay P4,100, at ang bago naman ay P7,000 .
Bitbit ko ito habang sakay kami sa mutor at sobrang haba talaga ng biyahe kaya gabi na kami ng makauwi. Yung may-ari kasi alam ng bibilihin pinadala pa kung saan. Pero masayang-masaya talaga ako dahil mayroon na ako nito. Mas gusto ko kasi ang instrumentong ito kaysa sa gitara dahil kahit na nakakalito itong pag-aralan dahil sa mga nota ay mas malambot namang pindutin kaysa sa gitara dahil lagi na lamang sobrang kapal ng mga kalyo ko sa mga daliri dahil sa gitara.

Saturday, March 16, 2013

Liham Para Kay Gng. Marvilyn Mixto ^_^

Mahal Kong Guro,  


   Una po sa lahat, ako po ay nagpapasalamat sa inyong pagtuturo sa amin, pag-uunawa, at sa panghihikayat na matuto. Natutuwa po akong magkaroon ng isang guro na katulad niyo dahil sa inyo ay nagkaroon ako ng interes sa asignaturang Filipino at pahalagahan ito.   

   Nagustuhan ko po na binigyan niyo kami ng pagpipilian sa paggawa ng proyekto at iyon ay ang paggawa ng portpolyo o blog. Dito ako nagkaroon ng pagkakataon na gamitin ang kompyuter na lagi kong kaharap sa paggawa ko ng proyekto. Talagang nakakapanghikayat kayong magturo dahil may halong patawa hindi lamang sa inyong pagtuturo, maging sa pagkukwento niyo tungkol sa buhay niyo noong kayo ay bata pa  at hindi ninyo direktang sinasabi ang pangalan ng mga nag-iingay, kumbaga ay hindi kayo namamahiya. Para sa akin ay kayo ang pinaka da best na naging guro ko sa Filipino. Ito po ay hindi pampalubag-loob lamang kundi may katotohanan at mula sa aking puso.   

   Sana po ay marami pa kayong maturuan na estudyante at marami pa sana ang matuto mula sa inyo pero mas masaya po kung kayo ulit ang aming magiging guro sa Filipino sa susunod na pasukan. Maraming salamat po talaga sa lahat-lahat at mamimis ko po talaga ang pagtuturo ninyo. <3                                                                                                                                                                                                               

-Sairah


Huli Na Naman sa Pagpapraktis .


Mahal kong Talaarawan,

    Hindi ako maaga ngayon pumunta ng aming simbahan dahil may mga guhit ako na kailangang tapusin. Medyo natagalan ako sa pagkokompyuter kaya hindi ko namalayan na ikatatlo na pala ng hapon kaya ako ay nagpahinga ng kaunti at tsaka naligo ng mabilis at nang ako ay naglalakad na upang pumunta sa sakayan ng dyip ay nagkasalubong kami ni papa at ihahatid na lamang niya ako kaya bumalik ulit kami sa bahay upang kumain si papa at kunin ang isang helmet. Ikaapat na ng ako ay makarating sa simbahan at tapos na pala ang pagpapraktis kaya ipinagpatuloy ko na lamang doon ang pagguguhit ko ng mga larawang pambata mula sa mga istorya sa bibliya na gagamitin ng mga guro na kanilang biswal sa kanilang pagtuturo sa darating na bakasyon.

Friday, March 15, 2013

Ang Saya ! May Natanggap Akong Karangalan ^^


Mahal kong Talaarawan,

    Ngayon ang huling araw ng aming pagsusulit para sa ikaapat na markahan. Medyo hindi na ako kinakabahan dahil Math nalang ang natitirang mahirap na asignatura at ang iba ay medyo madali na.
    Medyo nagdikit-dikit yata ang mga upuan ngayon hindi tulad kahapon kaya kabi-kabila ang mga tanungan at silipan ng sagot at hindi sila sinisita parati ng aming guro. dahil abala din sa pagrerekord ng aming mga marka. Naiinis talaga ako kapag ganito dahil minsan halos lahat ay pumapasa samantalang ako ay bagsak lalo na sa asignaturang A.P. pero minsan iniisip ko na lamang na ayus lang iyon dahil hindi naman mababago ng isang pirasong bagsak na papel ang hinaharap ko.
    Matapos kaming kumuha ng pagsusulit ay hindi muna kami agad umuwi dahil may programa pang isinagawa si Gng. Mixto para sa mga magkakamit ng karangalan sa mga gumawa ng maikling pelikula at blog. Kinabahan talaga ako nang ako ay tumugtog dahil hindi ko inakala na may iba pa palang pangkat kaming kasama. Hindi ko rin inaasahan na isa ako sa mga nagkamit ng karangalan sa mga gumawa ng blog. Natuwa talaga ako dahil ngayon lamang ako nagkamit ng karangalan sa mula asignaturang Filipino.
    Hindi muna ako umuwi dahil ipinatawag ako ni Gng. Cabrera at ipinaalam sa akin na bumaba ng dalawa ang aking marka sa A.P. mula sa 84 ay naging 82 pati na rin ang iba ko pang kasama sa pagpipinta at hindi pa niya alam kung tataas pa iyon kapag naiwasto at naidagdag ang tama ng aming mga papel mula sa ikaapat na markahang pagsusulit. Matapos niyang sabihin iyon ay hindi kaagad niya ako pinauwi dahil inutusan pa niya akong magwasto ng mga papel. Nang maidagdag niya ang aking puntos ay mabuti daw at umabot. Napag-isip-isip ko na siguro kaya iyon tumaas ay dahil pinagwasto niya ako ng mga papel at nagdagdag ng puntos dahil imposible namang umabot iyon eh bagsak nga yung papel ko. Pero kahit ganoon ay masaya pa rin akong umuwi dahil tumaas siya kahit papaano at sa natanggap kong karangalan.
    Pagdating ko sa bahay ay ayaw maniwala ni mama na ako ang may pinakamahusay sa paggamit ng wikang filipino sa blog. Habang nagkokompyuter ako ay dumating si papa at nagalit nang makita ang pusa namin na kinakain yung ulam namin tapos ibubuntong kay mama yung galit dahil sira daw yung hawakan ng kawali.
    Iyon lamang ang bagay na kinakainisan ko kay papa, mainitin ang ulo at palaging ibinubunton sa iba ang galit at ang mga bagay na hindi naman dapat problemahin ay pinoproblema kaya ako ay tumigil sa paggamit ng kompyuter at natulog kahit hapon na dahil sa inis. Nang magising ako ay hindi ko namalayang umaga na pala. 

Thursday, March 14, 2013

Ang Unang Araw ng Pagsusulit sa Ikaapat na Markahan -_-


Mahal kong Talaarawan,

    Ikapito ang aming pasok ngayon dahil araw ngayon ng aming markahang pagsusulit kaya hindi ako gaanong nagmadali at tila medyo maga pa ang aking mga mata. Hindi ako nakapagbalik-aral kagabi kaya dinala ko ang aking ilang kwaderno na kung saan ay maaari naming pagkuhaan ng aming pagsusulit ngayon. Pagdating sa silid-aralan ay agad akong umupo at kinuha ang aking kwaderno sa Chemistry at nagbasa-basa at kinabisado ang ilang pormula ngunit ang iba ay hindi ko na maintindihan kaya kwaderno naman sa Filipino ang aking kinuha dahil dito ay malaki ang aking tsansang pumasa kaysa sa Chemistry.
Nang dumating na si Gng. Norbie ay sinabi niya na Chemistry ang una naming pagsusulit at tila wala pa ako sa sarili dahil inaantok pa ako dahil sa nangyari kabagi. Habang kami ay nagsasagot ay sinabi ng aming guro na E.P. ang susunod kaya medyo natuwa ako dahil madali lang iyon at maaari pang makapagbalik-aral sa aming libreng oras.
Pagkatapos ng Chemistry ay E.P. naman at tuloy-tuloy ang aking pagsasagot dahil madali lang ngunit sumakit pa ang tiyan ata o puson ko at ang hirap kaya magsagot ng pagsusulit sa ganong kalagayan. Sa bandang dulong mga katanungan ay medyo nahirapan ako, anu ba namang malay ko sa babaeng gumanap na Eponin sa Les Mesirables? Michael Jordan pa ang naisagot ko sa PBA na naging senador na dapat ay si Jaworski. Yung mga tanong kasi wala naman sa aming mga pinag-aralan at hindi ko naman kilala yung mga yo'n tapos bigla nalang sa pagsusulit ng E.P.
Nang matapos ang E.P. ay tsaka ang aming libreng oras at ito ang pagkakataon na ako ay makapagbalik-aral. Filipino na lamang ang aking binasa dahil hindi na ako kukuha pa ng pagsusulit sa MAPEH dahil gumagawa kami ng mga kagamitan ng mga mananayaw. Nang magsimula na kaming magsagot sa Filipino ay may mga tanong na malalalim at bibigyan ng kahulugan na halos may kaparehas sa mga pagpipilian kaya medyo nahirapan din ako at sumasabay pa yung pagsakit ng tiyan ko ata o puson, di ko kasi alam kung saan banda yung puson at tiyan. Nalito rin ako sa dulo na patungkol sa ribyu dahil parang kakaibang ribyu ito. Pagkatapos ng Filipino ay lumabas na kami ng mga kasama ko sa paggawa ng kagamitan dahil hindi na kami kukuha ng pagsusulit sa MAPEH.
Ikatatlo na ng hapon ng ako ay makauwi dahil umuulan at wala akong dalang payong at hinintay ko pa si Joanne na aking kasabay dahil ngayon ay kanyang interbyu.

Wednesday, March 13, 2013

Pagsusuri sa Kabanata IV ( Takdang-Aralin )

   Isa ito sa aming takdang-aralin mula sa pag-aaral namin sa kabanata IV ng Noli Me Tangere na may pamagat na Erehe at Pilibustero. Sinagutan namin ang takdang-aralin na ito sa pamamagitan ng pagkuha ng mga bahagi ng kabanata na nagpapatunay sa mga sumusunod na pangungusap. Pinagtuunan ng pansin sa kabanatang ito ang mga pangyayari sa buhay at ang sinapit ni Don Rafael Ibarra.


Pagsulat ng Sanaysay ( Gawaing Indibidwal )

 Dito naman ay inatasan kami ni Gng. Mixto na sumulat ng isang sanaysay tungkol sa mga katangian ng mga kababaihan sa ngayon.


Takdang-Aralin !

   Ito ay ang aking kasagutan sa aming takdang-aralin sa panuto na kung ano ang mga bagay na dapat isaalang-alang sa pagpili ng kurso sa kolehiyo.


Pagsusulit .

   Isa sa aming pagsusulit sa kwaderno .