Thursday, February 28, 2013

Paghahanda Para sa Eksibit !

Mahal kong Talaarawan,


    Nang magsimula ang aming libreng oras ay agad na naman akong ipinatawag ni G. Espina kasama ang aking mga kamag-aral na kasama ko sa pagpipinta. Inatasan niya kami na isasaayos na namin ang lahat ng pinta para sa eksibit bukas. Ililiban na lamang niya kami sa dalawang huling asignatura pero nang matapos siyang makapagturo sa aming silid-aralan ay bumalik ako sa aming silid-aralan dahil ayaw ko nang maliban dahil wala akong naisusulat sa aking kwaderno, kulang sa mga pagsusulit, hindi ko naipapasa ang aking mga takdang-aralin, at nanghihinayang ako sa mga itinuturo na kahit minsan ay hindi ko naman maintindihan.
Nang matapos ang aming klase ay kumaripas ako ng takbo dala ang aking kustal papunta sa aming pinagpipintahan upang hindi malaman ni G. Espina na bumalik ako sa silid-aralan. Ang saya ko nang makita ko doon si Vega na aking kaibigan sa ikalawang pangkat at mas lalo akong sumaya nang sinabi niya na sabay kami uuwi dahil hindi siya makakapasok dahil aalis siya. Bihira ko na lamang kasi siyang makita at malungkot kapag walang kasabay sa pag-uwi lalo na't naglalakad ka.
    Ikaapat na ng hapon nang ako ay makauwi dahil medyo natagalan kami sa pag-aayos ng entablado dahil doon  gaganapin ang eksibit bukas.
Natuwa din ako na nagustuhan ng aking mga kamag-aral ang aking isinaayos na mtv na proyekto namin sa E.P. Ito ang aking unang pagkakataon na magsaayos at natuto ako sa tulong ng youtube na kung saan ako ay nanonood ng mga tutoryal na talaga namang malaki ang naitutulong sa akin maging sa ibang gawain.

Wednesday, February 27, 2013

Araw ng Interbyu .


Mahal kong Talaarawan,

    Pagkatapos ng aming klase ay hindi muna ako umuwi dahil ngayon ang araw na ako ay iinterbyuhin ni Bb. Tayamora. Kinakabahan talaga ako at nang ikalawa na ng hapon ay nag-ayos na ako dahil kasama din ang kaayusan at kahandaan ng sarili. Nang ikalawa at kalahati na ng hapon ay tumungo na ako kay Bb. Tayamora at sobra akong kinakabahan ng mga oras na iyon dahil ingles dapat ang wika na gagamitin pero kung hindi mo na kaya ay maaari nang mag-tagalog. Sa una ay puro ingles ang isinasambit ko ngunit nang sa kalagitnaan na ay filipino na ang wika na ginamit ko dahil hindi ko na kaya at sobrang makapigil-hininga ang mga itinatanong, meron pa ngang isang tanong na hindi ko nasagot at hindi ko alam kung bakit. Nang matapos ito ay umuwi na ako at sa aking paglalakad pauwi ay nagsasalita akong mag-isa at tinatanong ang aking sarili kung mapupunta pa kaya ako sa unang pangkat sa sunod na pasukan. Wala naman kasing mga tao sa pababa ng Siruna kaya ayus lang. Sa totoo lagi akong nagsasalita ng mag-isa kung ako ay uuwi ng alanganin. Iniisip ko yung mga nangyayari sa akin sa paaralan.
    Pagdating ko sa bahay ay kumain na ako dahil hindi na ako nanananghalian kahit ikatatlo na ng hapon. Matapos ito ay tsaka ko ginawa ang aking mga takdang-aralin.

Tuesday, February 26, 2013

Maaga Akong Nakauwi .


Mahal kong Talaarawan,

    Dala ko sa aking pagpasok ang ipininta kong kabayo na binili ni G. Ligutan. Pagkatapos ng aming klase ay hindi agad ako umuwi dahil nakipagkwentuhan pa ako sa aking mga kaibigan. Minsan kasi parang ayaw kong umuwi agad dahil parang gusto ko pang makasama ang aking mga kaibigan sa mas mahabang oras.
    Pag-uwi ko sa bahay ay nagulat si mama na maaga akong nakauwi, madalas kasi akong umuuwi ng ika-tatlo ng hapon. Sabay kaming nananghalian ni mama at pagkatapos nito ay hindi agad ako nakagawa ng aking mga takdang-aralin dahil lagi na lamang akong sinusuyudan ni mama kahit wala naman siyang makuha.
    Pagkatapos nito ay tsaka ko ginawa ang aking mga takdang-aralin at kami ay nanood ng isang pelikula na may pamagat na "The Thieves". Nakakatawa ito dahil ang mga bidang magnanakaw ay pinagnanakawan din ang kanilang kapwa magnanakaw at pagkatapos nito ay natulog na ako.

Monday, February 25, 2013

Natapos Din Ang Mga Gawain .


Mahal kong Talaarawan,
   
    Maaga akong nagising ngayon dahil walang pasok kaya habang wala akong magawa ay sinimulan ko na ang paggawa ng aking portfolio sa math na ipapasa bukas. Nang matapos ko ito ay naligo muna ako bago ko isunod ang aking pagpipinta, madalas kasi akong mahilo kapag ako'y nagpipinta o kaya'y magkompyuter. Nang matapos akong maligo ay tsaka ako nagpinta ng kabayo na bibilihin ng isang guro sa aming paaralan. Nakalimutan ko na ring kumain ng pananghalian dahil sa kakagawa nito pero natapos ko naman.
    Pagkatapos kong magpinta ay nagluluto na si mama para sa hapunan at ako'y kanyang pinabili sa talipapa ng niyog. Nang ako'y makabili na ay pumunta muna ako kila Jelly na aking kaibigan sa ikalawang pangkat na nakatira malapit sa talipapa. Pagbalik ko sa bahay ay nagalit sa akin si mama dahil ang tagal-tagal ko raw bumalik pero sinabi ko na dumaan muna ako kila Jelly.
    Nang matapos akong utusan ni mama ay ipinagpatuloy ko ang pagsasaayos ng aming mtv na aming proyekto sa E.P. at ipinaskil ko na rin ito sa youtube dahil dito daw ito itsetsek ni ma'am Tayamora. Gabi na nang ito'y matapos pero nanood pa kami nila papa ng isang pelikula na may pamagat na A Werewolf Boy. Nakakatawa at nakakaiyak itong pelikulang ito pero hindi ko pinapatulo ang aking luha dahil nahihiya ako na makita ako nila papa.

Sunday, February 24, 2013

Lagi Na Lamang Ipinagpapabukas !


Mahal kong Talaarawan,

    Pagkauwi ko sa bahay matapos ng simba ay gagawin ko na dapat ang aking proyekto sa math pero lagi na lamang akong pinapabunot ni mama ng kanyang puting buhok at medyo natagalan. Matapos ito ay niyaya kaming manood ni papa ng pelikula, A Werewolf Boy sana ang papanoorin namin pero Journey To The West na lang daw dahil maganda rin daw iyon. Nagustuhan ko ito dahil mahilg ako sa mga pelikula ng koreano, intsik, indiyano, at abentura naman kung sa amerikano.
Matapos naming manood ay hiniram ko muna ang kompyuter at napunta ako sa pagsasaliksik ng tabs ng kantang I belive at aking pinag-aralan sa gitara dahil napagtanto ko na maganda pala ang kantang ito nung mapanood ko ang My Sassy Girl ngunit hanggang koro lamang ang aking natapos dahil may dumating na bisita kaya ipinapatay muna ni mama ang kompyuter. Napansin kong gabi na pala at nakalimutan kong gawin ang aking proyekto sa math kaya napagdesisyunan kong bukas na lamang ito gawin at tatapusin ko na talaga ito bukas, pangako.

Saturday, February 23, 2013

Natapos Rin Ang Pagsasaayos ng Aming MTV !


Mahal kong Talaarawan,

    Hindi ako nakapagmorning devotion kanina dahil may mga gawain pa akong dapat tapusin. Ipinagpatuloy ko ang pag-eedit ng aming mtv at sa wakas ay natapos ko rin ito ngunit hindi ko magawang ipaskil agad sa youtube dahil wala pang pamagat, kinakailangan kasi naming gumawa ng aming sariling pamagat dahil pinalitan namin ang mga liriks ng kanta na pumapatungkol sa pagkamasigasig.
Pagkatapos nito ay nananghalian na kami ni mama at nang dumating na si papa ay inihatid niya ako sa aming simbahan sa Penafrancia dahil kami ay magpapraktis ng aming mga tutugtugin bukas na araw ng Linggo.
Madilim na nang ako ay makauwi dahil may isang pagtitipon ang mga kabataan tuwing araw ng Sabado at ako ay nakikibahagi doon. 

Friday, February 22, 2013

Isang Maulan Pero Masayang Araw .


Mahal kong Talaarawan,

    Unang asignatura namin ang chemistry at naging panghuli ang math dahil kinakailangan naming maging maaga sa science laboratory ngunit nang ang pangkat na namin ang pumunta doon ay hinati-hati kami ni ma'am Manlagnit sa apat na grupo at may ibinigay sa bawat pangkat na mga isasagawa ng aktwal pero puro pagkukuwenta lamang ang nagawa namin at hindi kami nakapageksperimento.
Simula pa lang kanina ng aming klase ay ipinagdarasal ko na talaga na sana ay hindi matuloy ang aming laban ngayon sa on the spot painting dahil nais kong makauwi ng maaga dahil ang dami ko pang mga dapat tapusin at mabuti'y tinupad naman ang aking kahilingan at kahit na umuulan ay masaya akong naglakad pauwi dahil dito.
Pagdating sa bahay ay sinimulan ko na ang pag-eedit ng aming mtv na proyekto namin values para medyo mabawasan ang mga gawain pero nang dumating ang kapatid ko ay agad hiniram ang kompyuter dahil may takdang-aralin at aalis siya matapos gumawa, tuwang-tuwa naman ako dahil masosolo ko at magkakaroon ng konting katahimikan sa bahay, medyo maingay kasi kami kahit dalawa lang kaming magkapatid. Ang nasa isip ko ay maglalaro lamang siya ng dota pero dahil halos maglumpasay na ay pinahiram ko na. Aba'y hindi naman pala ako nagkamali, nang masilip ko ay nagdodota nga! grabe talaga nainis ako sa kanya dahil minamadali ko na nga ang mga gawain ko para mabawasan.
Wala na akong magawa dahil hindi ko na mabawi sa kanya ang kompyuter kaya ang ginawa ko muna ay ang ipinapapinta sa aking ni sir Espina dahil medyo matagal din itong matapos dahil malaki at martes na rin ang pasahan. Hindi ko ito natapos dahil nung gabi na ay nanood kami nila papa ng pelikula na may pamagat na Parental Guidance ngunit nang matapos ito ay medyo maaga pa kaya nanood pa kami ng isa pang pelikula na may pamagat na Baby Genius. Puro nakakatawa ang dalawang pelikulang ito kaya bumalik pa rin sa pagiging masaya ang araw kong ito.    

Thursday, February 21, 2013

All is Well


Mahal kong Talaarawan,

    Habang wala kaming guro kanina ay gumagawa ako ng mga isasagawa mamaya ng aking mga kagrupo sa paggawa ng mtv dahil kailangan na agad itong matapos dahil baka magkandaloko-loko pa sa pag-eedit. Natuto akong maging seryoso at magpahalaga sa bawat minuto lalo na't malapit na ang pasahan ng isang proyekto. Hindi ko alam kung bakit ang daming nakatambak na gawain sa akin, pag-eedit ng mtv, paggawa ng portfolio sa math, paggawa ng rebyu sa filipino, laban ng on the spot painting bukas, dapat ay matapos ko na ang isang malaking painting ng mga kabayo na iniatas ni sir Espina hanggang martes, at halos lahat ng ito'y sabay-sabay ang pasahan. Minsan ay pinapanatag ko na lamang ang aking sarili dahil baka mabaliw ako sa kakaisip sa mga ito at paulit-ulit na sinasabi na "All is well" na natutunan ko sa pelikulang 3 idiots dahil alam kong malalampasan ko rin ang mga ito, tiwala lang. Itinuloy namin ang pagkuha ng mga eksena sa Heaven's Gate at masaya naman ako na nakipagtulungan naman sa aking ang aking mga kagrupo at nakakuha kami ng maraming eksena at pagkauwi ko sa bahay ay sinimulan ko na ang pag-eedit kasama sina Carpio, Izon, at Clado at halos maggagabi na nang sila ay makauwi dahil ang daming kwentuhan at kung hindi ko pa ihihinto ay hindi pa sila uuwi.

Wednesday, February 20, 2013

Ako Pa Talaga Ang Editor ?


Mahal kong Talaarawan, 

    Natapos na kami ng aking mga kagrupo sa pagrerekord ng aming kanta para sa mtv kaya ang pagkuha naman ng mga eksena at kantahan ang aming mga isinagawa kanina sa paaralan. Konting eksena lamang ang aming mga nakuhaan dahil sa sobra talaga ang kukulit ng mga lalaki at ang mga babae ay nagatawanan din siyempre isa na ako dun. Pero nang malaman ko na ako ang inatasan na mag-eedit ng aming mtv ay nagulat ako, ayaw kasi ng isa naming kagrupo na mag-edit dahil siya ang nasisisi kaya ako na lamang ang inatasan. Sa totoo lang ay ito ang aking unang pagkakataon na maging isang editor at wala pang kasiguraduhan. Dahil nga sa paulit-ulit kami sa pagkuha ng eksena ay nalobat na ang kamera ni Clado kaya nagdesisyon na bukas na lamang itutuloy. Mabuti'y malapit ang bahay sa amin nila Clado kaya nang kami ay makauwi ay pumunta siya sa aming bahay upang ilipat sa kompyuter namin ang kaunting eksena na nakuha upang mapagpraktisan ko kung paano mag-edit. Ayun naubos ang oras ko at inabot ng gabi sa pag-aaral sa youtube kung paano mag-edit at mabuti na lang at may naka-install na na windows movie maker.

Tuesday, February 19, 2013

Hindi Na Kami Natapos sa Pagrerekord !


Mahal kong Talaarawan,

    Dinala ko ang gitara ko ngayon sa aking pagpasok dahil ipagpapatuloy namin ang aming paggawa ng MTV ng aking mga kagrupo sa E.P. Mgavivideo na dapat kami ngayon para sa mtv ngunit inulit na naman namin ang pagrerekord ng kanta dahil may konting-konting mali ang nagawa namin kahapon at nais pa namin itong maisaayos ngunit gaya ng kahapon na akin nang inaasahan, naubos ang aming oras sa sawayan at paulit-ulit na pagrerekord dahil lagi nalang may mali. Ito ang dahilan kung bakit hapon na naman akong nakauwi at bukas na lang daw kami magvivideo sabi ng aming pinuno at sigurado akng mas malala ang mangyayari bukas pero umaasa pa rin akong makakapagpasa kami ng proyekto dahil malapi na ang pasahan nito at iyon ay sa Biyernes na. 

Monday, February 18, 2013

Tapos Na Rin Ang Aking Speech sa Wakas !


Mahal kong Talaarawan,

    Sobrang lumuwag ang aking paghinga nang ako ay makapag-speech na at lubos pa akong natuwa nang marami ang nakinig sa aking speech na may pamagat na We only remember when we are in need na nangangaral na tsaka lamang natin naaalala ang Panginoon kung tayo ay may pinagdadaanan. Pagkatapos ng aming klase ay pumunta pa ako kasama ang aking mga kagrupo sa bahay ni Medel na aking kaklase upang ipagpatuloy ang aming isinasagawang MTV na proyekto namin sa E.P. Sobrang nakakapagod talaga at sumakit ng husto ang mga daliri ko sa paulit-ulit na pag-iintro dahil ako ang tumutugtog kaso palaging may mali ang kanilang pag-awit kaya kami'y paulit-ulit. Pag-uwi ko sa bahay ay kumain muna ako ng panghapunan at naparami ang nakain ko dahil hindi pa ako nananghalian kaya sobra akong nagutom. Nang makakain na ay nagkompyuter na ako dahil magpapasa ako ng mga pelikulang pinapanood ko sa memory card dahil nais ko rin na mapanood ito ng aking kaibigan na si Jeanette Necor upang makarelate siya sa mga kinikwento ko sa kanya. Ginawa ko ito habang ginagawa ko ang aking takdang-aralin sa Filipino.

Sunday, February 17, 2013

Wala Talaga Akong Matapos Dahil Sa Panonood ng Pelikula .


Mahal kong Talaarawan,

    Pagkatapos naming magsimba ay umuwi na ako kasama nila papa at mama dahil kakabisaduhin ko pa ang aking speech para bukas. Pagdating sa bahay ay natulog muna ako dahil sa pagod at antok. Pagkagising ko ay kumain muna ako ng panghapunan at pagkatapos nito ay nanood muna kami ng pelikula na may pamagat na The Machine Girl ngunit nang matapos nito ay gabi na kaya saglitan ko lang na pinag-aralan ang aking speech. 

Saturday, February 16, 2013

Di Ko Pa Kabisado Speech Ko !


Mahal kong Talaarawan,

    Sakto na pagdating namin sa simbahan ni Nemuel ay tapos na ang morning devotion at nagkakainan na, ang tagal kasing magising palagi ni Nemuel na kasama ko sa pagtugtog at kaklase ko din kaya palagi akong nadadamay sa pagkahuli. Nang kami ay nandoon na ay hindi rin ako nagkaroon ng oras para kabisaduhin ang aking iispeech sa Lunes dahil itinuloy ko ang pagguhit ng plano para sa ikatlong palapag ng aming simbahan at nang huminto na ako sa paggawa ay tsaka kami nagsimulang magensayo sa mga tutugtugin namin para bukas sa sunday worship. Ika-siyam na ng gabi nang kami ay makauwi ni Nemuel dahil medyo napahaba ang aming meeting.

Friday, February 15, 2013

Paghahanda Para sa Speech sa Lunes .


Mahal kong Talaarawan,

    Tulad kahapon, maaga na naman akong nagising at hindi ko alam kung bakit palagi nalang akong maagang nagigising. Dahil sa hindi na ako makatulog, nilinis ko muna ang aking gitara at pinakintab dahil bakat ang mga daliri dito ng aking mga kaklase dahil ginamit namin ito kahapon sa aming pagrerekord ng kanta. Pagkatapos nito ay inayos ko na ang aking iispeech sa lunes at nang maipaprint ko na ito ay sinimulan ko nang basahin ng paulit-ulit dahil medyo mahirap kabisaduhin dahil mahaba kaya naisipan ko nalang na basahin na lamang ang iba sa lunes basta't maipahayag ng maayos ang nilalaman.

Thursday, February 14, 2013

Kahit Nakakapagod Eh Masaya Pa Rin Kapag Kasama Mo Ang Iyong Mga Kagrupo .


Mahal kong Talaarawan,

    Sobrang aga kong nagising ngayon dahil sumasakit ang aking namamagang mata at nasiko pa ito ng aking kapatid kaya naman bumangon na ako at naupo sa isang silya. Nang mag-iikasiyam na ng umaga ay nagmadali na akong maghanda dahil may rekording kami ng aking mga kagrupo sa E.P. na gagawa ng isang mtv at hindi maaaring hindi ako pumunta dahil ako ang inatasang maggigitara kaya dinala ko ang aking gitara. Pumunta ako sa paaralan na naglakad at kasabay si Clado na aking kaklase at nang makarating kami doon ay nandoon na sila sa bahay ni Medel kaya dumiretso kami doon ni Clado. Pagdating doon ay napagalaman naming aalis pala sila Medel kasama ang kanyang mga magulang kaya kami ay nagpunta ng Heaven's Gate at sa pinakadulo kami doon nagrekord upang hindi marinig ang ugong ng mga sasakyan, ngunit nang patapos na kami ay lumapit ang isang guwardya at kami'y pinagsabihan kaya kami ay umalis at naglakad papunta Blue Mountains at sa may bandang tuktok kami nagrekord. Sobrang tagal namin doon dahil paulit-ulit kami dahil may mga kagrupo kaming maiingay kaya paulit-ulit kami sa pagrerekord. Inabot na kami ng ikatatlo ng hapon at nagugutom na kami dahil hindi pa kami kumakain at mabuti'y may Mcdo doon sa tabi ng Fatima University dahil kami ay naki-cr at bumili na rin upang mapawi ang gutom at nakakahiya na naki-cr lang kami. Pagkatapos naming magrekord na aming kanta ay naglakad kami pauwi ni Clado dahil magkalapit lang ang aming bahay at mag-iiklima na kami ng hapon nakauwi. Sumakit talaga ang aking mga daliri dahil sa paulit-ulit kaming nagrerekord pero masaya pa rin ang araw na ito.

Wednesday, February 13, 2013

Yan Tuloy Di Kasi Nagbabalik-Tanaw sa mga Aralin !


Mahal kong Talaarawan,

    Naiinis ako dahil medyo namamaga na naman ang aking mata, kagagaling pa nga lang ng nasa kanan eh pumalit naman yung kaliwa. Naisip ko na huwag na lang pumasok dahil masakit pero naisip ko na hindi dapat hadlangan ng pamamaga ng mata ang pag-aaral ko at kahit na asar-asarin pa ako ng maingay, makulit at dramatista kong katabi na si Jeanette. Nagkaroon kami ng mahabang pagsusulit sa AP at halos yung unang pahina lang ang aking mga nasagutan at yung pangalawa eh iilan na lang ang naisagot ko dahil wala nang pagpipilian. Kahit na libreng-libre kong nakikita ang sagot ng nasa harapan at gusto ko nang isulat sa papel ko dahil ang may pinakamababang puntos daw ay uulitin ang pagsusulit at nakasisigurado akong mas mahirap ang kasunod pero pinigilan ko talaga ang sarili ko na kopyahin dahil itinatak ko sa aking isipan ang salitang de bale nang bumagsak, basta't hindi nangopya. Nakakasigurado akong mababa ang makukuha kong puntos pero Lord sana naman hindi ako ang pinakamababa. Pagkatapos nang aming klase ay nagkaroon ang pangkat namin sa EP ng isang sandaliang pagpupulong pero siyempre tulad ng dati inaabot kami ng kalahating oras dahil sa lahat nagsasalita. Ito ang dahilan kaya ika-isa na ng hapon ako nakauwi.

Tuesday, February 12, 2013


Mahal kong Talaarawan,

    Mag-iikaapat na ng hapon nang ako ay makauwi dahil sa kami ay nagpipinta at nang ako ay makakain ay nagkompyuter ako upang gumawa ng takdang-aralin at magresearch na rin tungkol sa aking speech sa Monday.

Mahal kong Talaarawan,

    Pagkatapos ng aming klase ngayon ay hindi na ako nakapagpaalam kay sir Espina na hindi muna ako makapagpipinta ngayon at maaga akong uuwi dahil pupunta pa ako ng simbahan ng ikatatlo ng hapon dahil kami ay tutugtog para sa panimulang mga awitin para sa Diyos. Nang ako ay makauwi ay nakaramdam ako ng antok dahil sa kabusugan nang makakain kaya ako'y natulog muna at nagpagising na lang kay mama bago mag-ikatatlo ng hapon. Nang ako ay ginising ni mama ay naligo na ako at nagbihis kahit na antok pa rin. Nang ako'y makarating na sa simbahan kasama ang maraming bata ay nandoon na rin ang mga kasing-edaran namin na mga koreano na nagmula sa Beijing,China at marami silang isinagawang pagtatanghal at ikinatuwa ito ng mga bata. Hapon na ito nang matapos at nauna nang umuwi ang mga bata dahil kami ay nagsagawa pa ng isang pagpupulong para sa mga kabataan.

Sunday, February 10, 2013

Bangkang Papel ni Genoveva edroza-Matute

   Ang maikling kwentong ito ay tumutuon sa pangyayari sa buhay ng isang bata bilang isang paslit at kung paano ito nawala dahil sa isang pangyayari na tatanim sa kanyang isipan kailanman.


Bangkang Papel
ni Genoveva Edroza-Matute
            
Nagkatuwaan ang mga bata sa pagtatampisaw sa baha. Ito ang pinakahihintay nilang araw mula nang magkasunud-sunod ang pag-ulan. Alam nilang kapag iyo’y nagpatuloy sa loob ng tatlong araw ang lansangang patungo sa laruan ay lulubog. At ngayon, ay ikalimang araw nang walang tigil ang pag-ulan.
             Ilang maliliit na bata ang magpapalutang ng mga bangkal papel, nariyang tinatangay ng tubig, naroong sinasalpok at inilulubog, nariyang winawasak.
             Sa tuwi akong makakikita ng bangkang papel ay nagbabalik sa aking gunita ang isang batang lalaki. Isang batang lalaking gumawa ng tatlong malalaking bangkang papel na hindi niya napalutang sa tubig kailanman...
             Isang batang lalaking nagising sa isang gabi, sa mag dagundong na nakagugulat.
             Sa loob ng ilang saglit, ang akala niya’y Bagong Taon noon. Gayon ding malalakas na ugong ang natatandaan niyang sumasalubong sa Bagong Taon. Ngunit pagkalipas ng ilan pang saglit, nagunita niyang noon ay wala nang ingay na pumapatak mula sa kanilang bubungan.
             Sa karimla’t pinalaki niya ang dalawang mata, wala siyang makitang ano man maliban sa isang makitid na silahis. Hindi niya malaman kung alin ang dagundong ng biglang pumuno sa bahay ang biglang pagliliwanag. Gulilat siyang nagbalikwas at hinanap nang paningin ang kanyang ina.
             Nagsunud-sunod ang tila malalaking batong gumugulong sa kanilang bubungan. Ang paggulong ng mga iyo’y sinasaliwan ng pagliliwanag at pagdidilim ng bahay, ng pagliliwanag na muli. Samantala’y patuloy ang pagbuhos ng ulan sa kanilang bubungan, sa kanilang paligid, sa lahat ng dako.
                        Muling nahiga ang nagbalikwas at ang tinig niya ay pinatalagos sa karimlan.
             “Inay, umuulan, ano?”
             “Oo, anak, kangina,” anang tinig mula sa dulo ng hihigan.
             “Inay,” ang ulit niya sa karimlan, “dumating na ba ang Tatay?”
             Sumagot ang tinig ngunit hindi niya maunawaan. Kaya’t itinaas niya nang bahagay ang likod at humilig sa kaliwang bisig. Sa kanyang tabi;y naroon ang kapatid na si Miling. Sa tabi nito’y nabanaagan niya ang katawan ng ina, at sa kabila naman nito’y nakita niya ang banig na walang tao.
             Ibinaba niya ang likod at iniunat ang kaliwang bisig. Naramdaman niya ang sigis ng lamig ng kanyang buto. Mula sa nababalot na katawan ni milng ay hinila niya ang kumot at ito’y itinakip sa sariling katawan. Bahagyang gumalaw ang kapatid, pagkatapos ay nagpatuloy sa hindi pagkilos. Naaawa siya kay Miling kaya’t ang kalahati ng kumot ay ibinalot sa katawan niyon at siya’y namaluktot sa nalabing kalahati.
             Naramdaman niya ang panunuot ng lamig sa kanyang likod. Inilabas niya ang kanag kamay sa kumot at kinapa ang banig hanggang sa maabot niya ang sahig.
             Anong lamig sa sahig, ang naisip niya, at ang kanang kamay ay dali-daling ipinasok muli sa kumot.
             “Inay,” ang tawag niyang muli, “bakit wala pa si Tatay? Anong oras na ba?”
             “Ewan ko,” ang sagot ng kanyang ina. “Matulog ka na, anak, at bukas ay magpapalutang ka ng mga bangkang ginawa mo.”
             Natuwa ang bata sa kanyang narinig.
             Magkakarerahan kami ng bangka ni Miling, ang aki’y malalaki’t matitibay...hindi masisira ng tubig.
             Dali-dali siyang nagbangon at pakapa-kapang sumiksik sa pagitan ng kapatid at ng kanyang kausap. Idinaan niya ang kanyang kamay sa pagitan ng baywang at bisig ng ina. Naramdaman niya ang bahagyang pag-aangay ng kaliwang bisig niyon. Ang kanang kamay noo’y ipinatong sa kanyang ulo at pabulong na nagsalita:
             “Siya, matulog ka na.”
             Ngunit ang bata’y hindi natulog. Mula sa malayo’y naririnig niya ang hagibis ng malakas na hangin. At ang ulang tangay-tangay noon.
             “Marahil ay hindi na uuwi ang Tatay ngayong gabi,” ang kanyang nasabi. Naalala niyang may mga gabing hindi umuuwi ang kanyang ama.
             “Saan natutulog ang Tatay kung hindi siya umuuwi rito?” ang tanong niya sa kanyang ina. Ngunit ito’y hindi sumagot.
             Sinipat niya ang mukha upang alamin kung nakapikit na ang kanyang ina. Ngunit sa karimlan ay hindi niya makita.
             Bago siya tuluyang nakalimot, ang kahuli-hulihang larawan sa kanyang balintataw ay ito. Tatlong malalaking bangkang yari sa papel na inaanod ng baha sa kanilang tapat...
             At samantalang pumapailanlang sa kaitaasan ang kahuli-hulihang pangrap ng batang yaon, ang panahon ay patuloy sa pagmamasungit. Ang munting bahay na pawid ay patuloy sa pagliliwanag at pagdidilim, sa pananahimik at pag-uumugong, sa pagbabata ng walang awing hampas ng hangin at ulan...
             Ang kinabukasan ng pagtatampisaw at pagpapaanod ng mga bangkang papel ay dumating... Ngunit kakaibang kinabukasan.
             Pagdilat ng inaantok pang batang lalaki ay nakita niyang nag-iisa siya sa hihigan. Naroon ang kumot at unan ni Miling at ng kanyang ina.
             Pupungas siyang bumangon.
             Isang kamay ang dumantay sa kanyang balikat at nang magtaas ng paningin ay nakitang yao’y si Aling Berta, ang kanilang kapitbahay.
             Hindi niya maunawaan ang tingin noong tila naaawa.
             Biglang-biglang naparam ang nalalabi pang antok. Gising na gising ang kanyang ulirat.
             Naroon ang asawa ni Aling Berta, gayon din sina Mang Pedring, si Alng Ading, si Feli, at si Turing, si Pepe. Nakita niyang ang kanilang bahay ay halos mapuno ng tao.
             Nahihintakutang mga batang humanap kay kay Miling at sa ina. Sa isang sulok, doon nakita ng batang lalaki ang kanyang ina na nakalikmo sa sahig. Sa kanyang kandungan ay nakasubsob si Miling. At ang buhok nito ay walang tigil na hinahaplus-haplos ng kanyang ina.
             Ang mukha ng kanyang ina ay nakita ng batang higit na pumuti kaysa rati. Ngunit ang mga mata noo’y hindi pumupikit, nakatingin sa wala.
             Patakbo siyang lumapit sa ina at sunud-sunod ang kanyang pagtatanong. “Bakit, Inay, ano ang nangyari? Ano ang nangyari, Inay? Bakit maraming tao rito?”
             Ngunit tila hindi siya narinig ng kausap. Ang mga mata noo’y patuloy sa hindi pagsikap. Ang kamay noo’y patuloy sa paghaplos sa buhok ni Miling.
             Nagugulumihang lumapit ang bata kina Mang Pedring at Aling Feli. Ang pag-uusap nila’y biglang natigil nang siya’y makita.
             Wala siyang narinig kundi... “Labinlimang lahat ang nangapatay...”
             Hindi niya maunawaan ang ang lahat. Ang pagdami ng tao sa kanilang bahay. Ang anasan. Ang ayos ng kanyang ina. Ang pag-iyak ni Aling Feli nang siya ay makita.
             Sa pagitan ng mga hikbi, siya’y patuloy sa pagtatanong...
             “Bakit po? Ano po iyon?”
             Walang sumasagot sa kanya. Lahat ng lapitan niya’y nanatiling pinid ang labi. Ipinatong ang kamay sa kanyang balikat o kaya’y hinahaplos ang kanyang buhok at wala na.
             Hindi niya matandaan kung gaano katagal bago may nagdatingan pang mga tao.
             “Handa na ba kaya?” anang isang malakas ang tinig. “Ngayon din ay magsialis na kayo. Kayo’y ihahatid ni Kapitan Sidro sa pook na ligtas. Walang maiiwan, isa man. Bago lumubog ang araw sila’y papasok dito... Kaya’t walang maaaring maiwan.”
             Matagal bago naunawaan ng bata kung ano ang nagyari.
             Sila’y palabas na sa bayan, silang mag-iiba, ang lahat ng kanilang kapitbahay, ang maraming-maraming tao, at ang kani-kanilang balutan.
             Sa paulit-ulit na salitaan, sa sali-salimbayang pag-uusap ay nabatid niya ang ilang bagay.
             Sa labinlimang nangapatay kagabi ay kabilang ang kanyang ama...sa labas ng bayan...sa sagupaan ng mga kawal at taong-bayan.
             Nag-aalinlangan, ang batang lalaki’y lumapit sa kanyang ina na mabibigat ang mga paa sa paghakbang.
             “Inay, bakit pinatay ng mga kawal ang Tatay? Bakit? Bakit?”
             Ang mga bata noong nakatingin sa matigas na lupa ay isang saglit na lumapit sa kanyang mukha. Pagkatapos, sa isang tinig na marahang-marahan ay nagsalita.
             “Iyon din ang nais kong malaman, anakm iyon din ang nais kong malaman.”
             Samantala...
             Sa bawat hakbang na palayo sa bahay na pawid at sa munting bukid na kanyang tahanan ay nararagdagan ang agwat ng ulila sa kanyang kabataan.
             Ang gabing yaon ng mga dagundong at sigwa, ng mga pangarap na kinabukasan at ng mga bangkang papel – ang gabing yaon ang kahuli-hulihan sa kabataang sasansaglit lamang tumagal. Ang araw na humalili’y tigib ng pangamba at ng mga katanungang inihahanap ng tugon.
             Kaya nga ba’t sa tuwi akong makakikita ng bangkang papel ay nagbabalik sa aking gunita ang isang batang lalaki. Isang batang lalaking gumawa ng tatlong malalaking bangkang papel na hindi niya napalutang kailanman...

Larawan:http://fc07.deviantart.net/fs71/f/2010/326/b/7/__bangkang_papel___by_i_shots-d33dc4a.jpg

Mahal kong Talaarawan,

    Tanghali na naman akong nagising ngayon kaya pagkagising ko'y nagmadali akong kumain at naligo dahil paparating na ang susundo sa amin papuntang simbahan at nang kami ay makarating na kasama ang mga bata ay nagsimula ulit kami ng aming huling pag-eensayo at pagkatapos nito'y tsaka dumating ang mga tao para sa pagsisimba.
    Pagkatapos ng simba ay umuwi na ako kasama sila papa at mama dahil may mga gawain pa akong tatapusin. Pagdating sa bahay ay nakusot ko ang kanan kong mata at ito'y namula at natakot akong baka maging soreyes kaya itinulog ko baka sakalng mawala.
    Pagkagising ko'y namumula pa rin kaya ako'y nagpahinga ng konti at nang mag-iikaanim na ng hapon ay napansin kong nawawala na ang pagkapula at kumain na kami ng hapunan at nagsimula na akong gumawa ng ilang takdang-aralin.

Saturday, February 9, 2013


Mahal kong Talaarawan,

    Tinanghali ako ng gising ngayon dahil mag-iikaapat na ng umaga nang ako ay makatulog dahil bukod sa hapon na ako nagising nang ako'y natulog ng tanghali at nakapagkape, ay masyado kong iniisip ang aking pagtatalumpati sa asignaturang ingles. Wala pa kasi akong sinisimulan at kakabisaduhin ko pa ito.
    Ito ang dahilan kung bakit hindi ako nakapagmorning devotion sa aming simbahan kaya nasa bahay lamang ako ngunit ng mag-iikawalo na ng umaga ay nagtext ang aming pastor at pinapapunta na ako ng simbahan kaya ako'y naghanda at pumunta doon kasama si Nemuel na aking kapit-bahay na siyang drummer. Pagdating doon ay isinasagawa na ang planong ginawa ko dati para sa disenyo ng isang office at ngayon naman ay may n\iniatas sa akin na gumuhit ng isang disenyo para sa ikatlong palapag. Medyo natagalan akong gawin ito kaya hapon na kami nakapag-ensayo para sa mga tutugtugin namin bukas sa pagsisimba. Pagkatapos nito ay mag-iikawalo na nang kami ay nakauwi ni Nemuel.

Friday, February 8, 2013


Mahal kong Talaarawan,

    Nang marinig ko na ang apilyido ko sa mga binunot ni sir Inahid na susunod na magiispeech ay kinabahan na ako dahil wala pa akong naiisip na topic o sa madaling salita ay wala pa akong nagagawa. Hindi ito nawala sa isipan ko hanggang ako ay makauwi dahil hindi ko maisip ang sarili ko na nagsasalita sa harapan dahil ako yung tipo ng tao na laging kabado. Pero wala na kong ibang magagawa kundi ang paghandaan ito.
    Maaga akong nakauwi ngayon dahil hindi kami nagpintinta dahil sa wala ang iba naming materyales. Pag-uwi ko sa bahay ay sa halip na tapusin ko ang isa sa aking mga pinipinta ay natulog muna ako dahil sa antok at tsaka ko ito ginawa nang ako'y gumising.

Thursday, February 7, 2013


Mahal kong Talaarawan,

    Halos mag-iikaapat na ng hapon nang ako ay makauwi ngunit habang kami ni Vega ay naglligpit kanina ng mga pintura na ming ginamit sa pagpipinta ay biglang natapon ang isang lata ng pintura at natanggal ang takip at natapon ito. Nagulat kami sa nangyari at alam namin na paparating na si sir Espina, ayaw naman namin itong punasan na lang dahil masasayang kaya sinalok namin ng sinalok ng maliliit na kutsara ngunit nang marinig namin ang ubo ni sir ay nagmadali akong kumuha ng illustration board at tinakpan ito, sakto namang pagpasok ni sir. Pagpasok niya ay parang walang nangyari at mabuti'y hindi niya inialis ang illustration board sa sahig. Maayos kaming naglilinis ni Vega at nang pumasok ng palikuran si sir ay agad naming itinuloy ang paglilinis at muli kaming huminto nang lumabas si sir. Nang tuluyan na siyang umalis ay agad kaming naglinis ni Vega at buong pasalamat na hindi nalaman ni sir dahil baka magalit siya.

Wednesday, February 6, 2013


Mahal kong Talaarawan,

    Hindi ako nakapasok ngayon dahil lalong lumala ang pamamaga ng aking mata dahil sa kuliti, nagkakaroon ako nito kada isang taon. Napagdesisyunan kong hindi muna pumasok upang ito ay gamutin at makapagpahinga dahil lalong lumalala kapag naaarawan. Wala akong ibang ginawa maliban sa pagagamot ng aking mata kundi maggitara ng kung ano-anong kanta at napapansin kong pagaling na ang pamamaga nito. Nang makapananghalian na kami ni mama ay pumunta ako sa Penafrancia kasama si Nemuel na aking kaklase at siyamnapung bata dahil kasama ang mga batang ito sa mga tuturuan ng mga koreano at kami naman ni Nemuel ang tutugtog at magaasikaso sa mga batang ito.
    Tatlong tricycle ang nasakyan namin dahil sa dami nila at nang makarating doon ay nagsimula na kaming mag-ayos ng mga instrumentong gagamitin at tsaka nagsimula. Nang matapos ito ay ikaanim na ng hapon at tsaka kami umuwi kasama ang siyamnapung bata.

Tuesday, February 5, 2013


Mahal kong Talaarawan,

    Pagkatapos ng klase ay dumiretso ako sa aming simbahan upang magpraktis ng aming mga tutugtugin bukas dahil may mga darating na mga koreans at magtuturo sila sa mga bata. Pagdating doon ay wala hindi pa agad kaming nag-umpisa dahil hapon pa naman ang aming praktis at hinihintay pa ang ibang tutugtog kaya ako'y natulog muna. Nagising ako nang ikaapat na ng hapon at tamang-tama na nag-umpisa na kame. Pagkatapos ng aming pagpapraktis ay hindi muna kami umuwi dahil doon na kami pinakain ng hapunan at nang kami ay makauwi ay ikapito na ng gabi.

Monday, February 4, 2013


Mahal kong Talaarawan,

                Hindi na ako lumiban sa huling dalawang asignatura dahil wala na akong natututunan ngunit nang ako’y tawagin ni ma’am Cabrera ay nagulat ako dahil wala nagsuuslat ako at sumagot naman ako ngunit mali. Napahiya tuloy ako at dahil diyan naisip ko na mali talaga ang palaging lumiliban dahil wala nang pumapasok sa aking isip.
                Pagkatapos ng aming klase ay hindi ko akalaing maghihintay ako sa aking mga kagrupo dahil kin ausap sila ni ma’am Manlagnit at mag-iikalima na ng hapon ng kami ay makapagsimula n gaming gagawin sa Filipino at mabuti’y natapos naming ito.
                Pagkatapos nito ay naglakad na akong umuwi kasama ang aking kamag-aral dahil hapon na at pag-uwi  ko’y ginawa ko ang collage-painting na iniatas sa akin ni sir Espina.

Sunday, February 3, 2013

Mahal kong Talaarawan,

                Maaga akong gumising ngayon dahil araw ng Linggo at kinakailangang maagang pumunta ng simbahan upang mag-ensayo n gaming mga tutugtugin mamaya. Pagdating doon ay nagsimula na kaming magpraktis at pagkatapos nito ay tsaka nagsimula na.
                Pagkatapos ng samba ay umuwi na ako kasama sila mama at papa dahil magpipinta pa ako ngunit ng makauwi ako ay nanood kami nila papa ng isang pelikula at hindi na ako nakapagpinta dahil gabi na kami natapos.
                Dahil hindi na ako nakapagpinta ay natulog na ako at napagdesisyunang bukas ko na lang gagawin ang aking pinta.

Saturday, February 2, 2013

Natapos Din Ang Short Film !


Mahal kong Talaarawan,

    Tinanghali kami ng gising ng aking kapatid kaya kami'y nahuli sa morning devotion sa simbahan at pagkatapos nito ay nag-almusal kami doon bago ako pumunta sa praktis sa short film. Ika-sampu ng umaga nang makarating ako sa bahay nila Medel na aming pinagpapraktisan at ika-labindalawa naman kami nakapag-umpisa dahil hindi maiiwasan ang tawanan at harutan bago mag-umpisa. Mabuti at natapos na namin ito at nauna na akong umalis sa kanila dahil kinakailangan ko pang pumunta sa aming simbahan upang magpraktis ng mga tutugtugin bukas para sa simba. Halos hindi naging maayos ang aming pagpapraktis dahil wala ang drummer na si Nemuel na aking kaklase dahil nagpapraktis din siya kasama ang kanyang mga kagrupo para sa short film.

Friday, February 1, 2013


Mahal kong Talaarawan,

    Maaga ako ngayong nakauwi dahil maaga kaming pinauwi ni sir Espina. Masaya akong naglakad kasama ang aking mga kamag-aral at nang ako'y makarating na sa bahay ay nagpahinga muna ako at natulog dahil hindi na ako nakakatulog ng tanghali simula nung Lunes. Nagising ako sa lakas ng radyo na pinapakinggan ni mama kaya ako'y bumangon na upang magkompyuter at nakikipag-usap sa aking mga ka-miyembro at may praktis pala bukas, kaya pupunta na naman ako bukas kila Medel na kung saan kami ay nagpapraktis.