Thursday, December 20, 2012

Isang Bagong Kaibigan .


Mahal kong Talaarawan ,

    Ngayon ang araw ng aming Christmas party ngunit hindi ako masyadong sabik dahil hindi ako sumali sa pagpapalitan ng regalo dahil ako na lamang ang bibili ng regalo para sa sarili ko dahil baka hindi ko magustuhan ang iregalo sa akin ng kaklase ko.
    Pagdating ko sa aming silid-aralan ay kakaunti pa lamang kami, marami rin ang hindi dadalo at napakatagal mag-umpisa. Nang magsimula na ay isa sa aming kamag-aral ang nanguna sa aming parti dahil wala kaming kasamang guro kaya nakakabagot. Wala rin masyadong nagtanghal at tatatlo lamang ang palaro na ni isa man ay wala akong sinalihan dahil ayoko ng mga larong iyon at isang pirasong ballpen lang ang premyo. Sobra talagang nakakainip dahil halos ang lahat ay gumagawa ng mga proyekto kaya't parang hindi parti ang nangyari.
    Dahil nga sa wala nang magawa ay kami ay nagkainan na ngunit marami rin ang naging problema pagdating sa pagkain dahil wala  ata ni isa mang sandok kaya't ang gulaman ay pinagtyagaan nilang kutsarahin at nang mainip na ay siyang baso na ang pinangtakal kaya't naisipan kong hindi na ito tikman dahil sabi naman daw nila ay wala ito lasa pati ang dyus. Kaya't naisipan kong kanin na lang ang kainin, ngunit pagkabigay ng kanin ay sobrang dami at sobrang liit ng ulam kaya't nabanggit ko sa tagabigay,"nasaan ang hustisya?" sabay tawa ng ilan.
    Pagkatapos ng parti ay lumabas kami ng silid-aralan at nagpaplanong pumunta ng sta. lucia upang doon kumain at gagala na rin. Maya-maya ay may isa ring mag-aaral na tumawag sa akin dahil ipinapatawag daw ako ni ma'am Eclar, ako'y nagtataka dahil ni isang beses ay hindi ko pa nakakausap iyon at hindi nun ako kilala ngunit pagdating ko ay lumapit sa akin ang isang lalaki na nakipagkilala sa akin kahapon at may binigay na regalo sabay sabi na gusto niyang makipagkaibigan sa akin. Siya ay may hawak na gitara at gusto niyang umawit para sa akin ngunit tinanong niya muna ako kung naiinip na ako o di kaya'y kailangan ko nang umalis kaya sinabi kong oo at ako'y umalis na dahil nahihiya talaga ako at sabi niya sa susunod nalang daw.
Kami ng mga kamag-aral ko ay umalis na at nabusog talaga kami sa kinain namin at naglaro na rin at pagkatapos nun ay kami'y umuwi na.
Relo ang laman ng regalo na ibinigay sa akin ngunit agad kong tinapon ang pabalat nito at sinabi ko nalang kay mama ni binili ko ito sa halagang P50 dahil nahihiya ako na sabihin kay mama ang totoo.  

No comments:

Post a Comment