Monday, December 31, 2012

Pagsalubong sa Bagong Taon ! ^^


Mahal kong Talaarawan ,

        Lahat ay nasasabik para sa nalalapit na praise explosion mamayang ika-sampu ng gabi hanggang ika-isa ng umaga kaya todo praktis ang lahat sa kanilang mga tutugtugin at isa na ako doon.
    Habang nagluluto ang mga nakaatas sa kusina para sa mga kakainin mamaya ay siya namang aming pagpapraktis at nang magsisimula na ay nag-ayos na kami at dumating na ang mga panauhin tsaka nagsimula. Matapos mangaral ng mga pastor ay tsaka kami nagsimulang tumugtog ng mga awiting papuri.
Habang nagpuputukan sa labas ay umaawit naman kami ng mga awiting papuri para sa Panginoon. Nang matapos kami ay halos mag-iikatatlo na nang umaga tsaka kami nagpahinga. 

Sunday, December 30, 2012

Sabbath Day !

Mahal kong Talaarawan ,

        Maaga akong gumising dahil ngayon ay araw na takatalaga para sa Diyos, kaya agad akong kumain ng almusal at tsaka nag-ayos dahil malapit nang magsimula.
    Pagkatapos ng simba ay sinamantala ko na naman ang oras na wala akong ginagawa para sa paggawa ng aking proyekto. Pagsapit ng ika-tatlo ng hapon ay nakibahagi ako sa isang pagtitipon para sa mga susunod na henerasyon at maggagabi na nang kami ay natapos buti nalang may dala akong mga damit at dito na ako natulog sa simbahan dahil marami pang gagawin kinabukasan.

Saturday, December 29, 2012

Mahabang Pagpapraktis para sa bagong taon !

Mahal kong Talaarawan ,

        Ngayon ay araw ng sabado kaya masyadong akong naging abala nitong araw na ito. Ako ang nakaatas sa pagdidilig ng mga halaman dito sa aming simbahan kaya tuwing umaga ay ito ang aking ginagawa sa tuwing matapos akong mag-almusal.
Pagkatapos magdilig ay nagsimula na ang aming pagpapraktis. Ang unang nagpraktis ay ang mga nasa gulang at kasali ako doon dahil ako ang tumutugtog ng pyano. Ang sumunod na mga nagpraktis ay ang mga babaeng kabataan at ako din ang nagpyano doon. Sumunod naman ang mga lalaking kabataan at ako din ang nagpyano sa kanila at tsaka kami kumain ng hapunan. Ang mga awiting pagpupuri na aming pinaraktis ay para sa darating na bagong taon.
Sumakit ang mga daliri ko matapos ang aming pagpapraktis dahil wala ang isa pang tumutugtog ng pyano sa aming simbahan at matatagalan siya bago makabalik kaya ako ang isinalang. 

Friday, December 28, 2012

Mahal kong Talaarawan ,


        Pagkagising ko ay agad kong niligpit ang aking hinigaan dahil ako'y makikibahagi sa morning devotion. Pagkatapos ay tsaka kami nag-almusal kasama ang aming pastor.
    Habang kami ay nag-aalmusal ay dumating na si papa upang ako'y sunduin at ako'y nagpaalam sa kanila at umalis na kami. Bago kami umuwi ay ipinasyal muna ako ni papa kung saan siya palaging gumagawi kung siya'y nagbibisekleta at tsaka kami umuwi.
    Pagdating sa bahay ay sinamantala ko na naman ang paggawa ng aking proyekto at malapit ko nang matapos ngunit kinakailangan ko nang bumalik sa simbahan dahil may praktis pa kami kaya binalak kong dadalhin ko na lang ang aking proyekto upang doon gawin dahil hanggang bagong taon ako doon , ngunit nagpumilit si papa na siya na lamang ang gagawa kaya pumayag naman ako.

Thursday, December 27, 2012

Pagdalo sa Isang Pagpupulong .

Mahal kong Talaarawan ,

        Maaga akong nagising dahil pinabili pa ako ni mama ng pandesal at bihon para sa aming almusal. Pagkatapos kong mag-almusal ay agad kong sinimulan ang paggawa ng aking proyekto dahil sa pasukan ang pasahan kaya masayado kong minamadali.
    Pagsapit ng ikatatlo ng hapon ay pumunta ako sa aming simbahan kasama ang aking kapatid at ang aking kaibigang si Nems. Kami ay pumunta doon dahil kinakailangan naming pumunta doon dahil may pagpupulong at magpapraktis na rin ng aming mga tutugtugin para sa darating na bagong taon.
    Naglakad lang kami papunta doon upang makatipid sa pamasahe at hindi naman kami nahuli. Gabi na nang matapos ang aming pagpupulong at tsaka ko nalaman na doon pala matutulog ang dalawa kong kasama at nagdala na sila ng kanilang mga damit. Wala tuloy akong kasama sa pag-uwi kaya doon nalang ako pinatulog ni mama at kinabukasan nalang ako uuwi.

Wednesday, December 26, 2012

Kami ay Nagbisekleta !

Mahal kong Talaarawan ,

        Maaga akong nagising dahil sa ingay ng aking mga kasama sa bahay kaya't ako'y bumangon na dahil hindi na ako makatulog. Matapos mag-almusal ay nagyaya si papa na magbisikleta hanggang River park, at dahil ayokong kaming dalawa lang ni papa, ginising ko ang natutulog kong kapatid upang pasamahin, at tatlo kaming pumaroon.
    Nang makarating na kami ay sandali kaming nagpahinga sa tabi ng isang mangingisda na nasa tulay at tsaka nagpatuloy. Nakarating kami hanggang RiverBanks at doon ay muling nagpahinga at pagkatapos ay umuwi na kami.
    Nagmadali na kami sa aming pag-uwi dahil umaambon at baka kami'y abutin ng malakas na ulan.
    Mag-iikasampu na ng umaga nang kami ay makarating na sa bahay tsaka ko muling sinimulang ang paggawa ng aking proyekto. Nang mag-iikatatlo na nang hapon ay muli kaming bumalik ng Marikina upang mamili dahil maraming mura kapag buwan ng Disyembre. Pagkatapos ay umuwi na kami dahil gabi na.

Tuesday, December 25, 2012

Gumawa Lang ng Proyekto .

Mahal kong Talaarawan ,

        Itong araw na ito ay inilaan ko sa paggawa ng aking proyekto na maliit na modelo ng bahay. Nang makapag-almusal ako ay tsaka ko sinimulan ang paggawa at halos maggagabi na nang ako'y matapos. Kinakailangan ko kasing matapos ito bago magpasukan dahil ikatatlo ng Enero ang pasahan nito.
    Halos natapos ko na ang buong paligid nito nang ako'y huminto na sa paggawa at napagdesisyunang bukas na ipagpatuloy dahil sa ako'y pagod na.

Monday, December 24, 2012

Ang Aking Pamamasko sa Aking Ninong .

Mahal kong Talaarawan ,

        Maaga akong gumising ngayon dahil ako'y nakibahagi sa aming simbang madaling-araw. Pagkatapos nito'y sumunod naman ang pananalangin sa umaga at ako'y nakibahagi rin dito at tsaka tumulong sa pagluluto ng almusal para sa mga taong nakibahagi.
Pagkatapos nito'y nagteks si mama na dadaanan at susunduin na ako ni papa kaya inihanda ko na ang mga gamit ko at habang naghihintay ay naglinis muna kami ng simbahan at maya-maya'y dumating na si papa at ako'y umuwi na sa aming bahay.
Pagkarating ko'y kumain muna ako ng para sa pananghalian kahit na maaga pa at tsaka natulog muna dahil sa sobrang antok.
Halos hapon na nang ako'y magising at tsaka ko ginawa ang aking mga proyekto ngunit ako'y ipinatawag ng aking nag-iisang ninong na papa ni Nemuel na aking kapit-bahay na kaklase. Hindi ko sana balak na mamasko dahil nahihiya ako ngunit pagdating doo'y pinamaskuhan ako ng aking ninong at ako'y nagmano sa kanya. Natutuwa talaga ako sa ninong kong ito kahit na medyo may edad na dahil lagi niya akong pinapayuhan tungkol sa iba't-ibang bagay at akin namang pinakikinggan ang mga ito dahil na rin daw sa ikaayos ng buhay ko.

Sunday, December 23, 2012

Ayan Tuloy Naligaw !

Mahal kong Talaarawan ,

        Kami ng aking mga kaibigan na kasamang natulog ay maagang gumising dahil kami ay nag-ayos ng pagdarausan ng simba. Kami ring mga kabataan ang nagtuturo sa mga bata tungkol sa salita ng Diyos.
    Nang maggagabi na'y nagyaya ang isa kong kaibigan na pumunta ng Riverbank at ako'y sumama. Sobrang saya talaga dahil pagkagaling namin sa SM Marikina ay naglakad kami papuntang palaruan sa may tiangge at sa damuha'y kami'y nagpahinga dahil sa pagod. Kami ay nagkuhaan ng litrato kasama ang palakang nahuli ko at tsaka nagteks ang aming pastor at kami'y pinapauwi na dahil gabi na.
    Nang kami'y pauwi na ay pumunta muna kami sa mga istatwang kalabaw at doo'y nagsiumpukan. Pagkatapos ay nagsimula na kaming maglakad pabalik sa overpass sa SM Marikina upang doon sumakay ng dyip. Ngunit ako at ang aking kaibigan na si Cath ay namangha sa pinong-pinong buhangin na dinaraanan namin sa tabi ng ilog kaya't kami'y gumuhit-guhit sa buhangin at naglagay na rin ng isang dakot sa plastik bilang alaala.
Dahil sa sobra kaming nalibang, hindi namin napansin na wala na pala ang iba naming kasama at kami ay naiiwanan na. Hindi ko kabisado ang lugar na iyon dahil halos anim na taon pa lang ako nang huli kaming pumunta doon kasama ang aking mga magulang at ang aking nag-iisang kapatid na lalake.
Kami ni Cath ay kung saan-saan dumaan at sa wakas nakabalik na rin sa SM, ngunit hindi namin alam ang papuntang overpass pero bumili muna kami ng sorbetes sa nakita naming tindahan sa SM at ang dami na palang mensahe sa celpon ni Cath, puro pagtatanong kung nasaan na kami. Dahil sa wala lowd si Cath upang magteks, ako'y nakiusap sa babaeng nagtitinda ng sorbetes na kung pwedeng makiteks dahil naliligaw kami, mabuuti nalang at pumayag. Sinabi nila na nasa overpass sila kaya doon kami pumunta ngunit wala sila doon at muli silang nagteks na nasa baba sila kaya muli kaming tumakbo pabalik, sumakay ng dekoryenteng hagdan, at lumabas ng mall. Silang lahat ay nakaupo sa isang upuan nang makita namin sila, nakatulala at tahimik, nakita ko rin ang mga mata ng aking kapatid na halos paluha na habang nagagalit sa akin.
Sobra talaga akong napagod ng gabing iyon at ikasampu na ng gabi nang kami nakabalik sa simbahan kaya ako'y agad nakatulog.

Saturday, December 22, 2012

Hindi Inaasahang Paglalakad !


Mahal kong Talaarawan ,

    Sa paggising ko palang ay agad na akong pinaligpit ni mama ng higaan dahil nais niya na hugasan ko na ang mga pinggan dahil wala nang mapagkainan, madalas kasing iniiwan ko ang mga pinggan na hindi hugas sa gabi dahil nakakatamad at inaantok na ako.
    Pagkatapos nito ay tsaka ako nag-almusal ng pandesal at tsaka ko inayos ang aking mga damit sa lagayan nito dahil halos dalawang beses ko lang ito ayusin.
    Nang mag-ikasampu na ng umaga ay ako'y naghanda na dahil ako'y pupunta pa ng aming simbahan sa Penafrancia upang magpraktis dahil ako ang tumutugtog ng piyano o di kaya'y gitara. Kung minsa'y inaabot kami ng gabi doon kaya nagbabaon ako ng aking mga damit. Sabay kaming umalis ng aking kaklase at kapit-bahay na si Nemuel dahil siya ang nagtatambol.
    Sobra ang trapik papuntang Masinag, at nang kami ay sumakay ng dyip papuntang Cogeo ay nakita namin sa unahan ang hindi mahulugang karayom na mga sasakyan. Nagdesisyon kami na maglakad at mabuti na lang ay hindi pa kami nakakapagbayad.
    Pagod na pagod kami nang makarating dahil halos dalawang oras kaming naglakad at tsaka kami ay kumain na at nagpahinga. Ako'y doon na natulog dahil inabot kami ng gabi dahil sa dami ng ginawa.

Friday, December 21, 2012


Mahal kong Talaarawan ,

    Ito ang araw na simula ng bakasyon ngunit hindi ko ito ramdam dahil may mga proyekto rin akong ginagawa pero kahit ganoon ay natutuwa pa rin ako dahil siguro isa ito sa mga dahilan upang hindi ako mainip ngayong bakasyon.
    Dahil walang pasok, wala rin akong dahilan upang tumaggi na tulungan si mama sa kanyang paglalaba. Pagkatapos niyan ay nagpahinga na ako habang tumutugtog ng gitara. Masaya ako dahil may bago akong kantang natutunan, ang twinkle twinkle little star at ang panimula ng temang kanta sa crazy little thing called love na someday ata yun.
    Pagkatapos kong magpahinga ay nagsimula na akong magbasa ng bibliya dahil may maikling pagsusulit kami sa aming simbahan tuwing linggo at para na rin may matutunan at maisabuhay.
    Ako ay maagang matutulog ngayon dahil hindi ko pa magawa ang proyekto ko sa T.L.E. dahil sa Marikina pa ako bibili ng pandikit at malaking mighty bond dahil mahal dito sa amin.

Thursday, December 20, 2012

Isang Bagong Kaibigan .


Mahal kong Talaarawan ,

    Ngayon ang araw ng aming Christmas party ngunit hindi ako masyadong sabik dahil hindi ako sumali sa pagpapalitan ng regalo dahil ako na lamang ang bibili ng regalo para sa sarili ko dahil baka hindi ko magustuhan ang iregalo sa akin ng kaklase ko.
    Pagdating ko sa aming silid-aralan ay kakaunti pa lamang kami, marami rin ang hindi dadalo at napakatagal mag-umpisa. Nang magsimula na ay isa sa aming kamag-aral ang nanguna sa aming parti dahil wala kaming kasamang guro kaya nakakabagot. Wala rin masyadong nagtanghal at tatatlo lamang ang palaro na ni isa man ay wala akong sinalihan dahil ayoko ng mga larong iyon at isang pirasong ballpen lang ang premyo. Sobra talagang nakakainip dahil halos ang lahat ay gumagawa ng mga proyekto kaya't parang hindi parti ang nangyari.
    Dahil nga sa wala nang magawa ay kami ay nagkainan na ngunit marami rin ang naging problema pagdating sa pagkain dahil wala  ata ni isa mang sandok kaya't ang gulaman ay pinagtyagaan nilang kutsarahin at nang mainip na ay siyang baso na ang pinangtakal kaya't naisipan kong hindi na ito tikman dahil sabi naman daw nila ay wala ito lasa pati ang dyus. Kaya't naisipan kong kanin na lang ang kainin, ngunit pagkabigay ng kanin ay sobrang dami at sobrang liit ng ulam kaya't nabanggit ko sa tagabigay,"nasaan ang hustisya?" sabay tawa ng ilan.
    Pagkatapos ng parti ay lumabas kami ng silid-aralan at nagpaplanong pumunta ng sta. lucia upang doon kumain at gagala na rin. Maya-maya ay may isa ring mag-aaral na tumawag sa akin dahil ipinapatawag daw ako ni ma'am Eclar, ako'y nagtataka dahil ni isang beses ay hindi ko pa nakakausap iyon at hindi nun ako kilala ngunit pagdating ko ay lumapit sa akin ang isang lalaki na nakipagkilala sa akin kahapon at may binigay na regalo sabay sabi na gusto niyang makipagkaibigan sa akin. Siya ay may hawak na gitara at gusto niyang umawit para sa akin ngunit tinanong niya muna ako kung naiinip na ako o di kaya'y kailangan ko nang umalis kaya sinabi kong oo at ako'y umalis na dahil nahihiya talaga ako at sabi niya sa susunod nalang daw.
Kami ng mga kamag-aral ko ay umalis na at nabusog talaga kami sa kinain namin at naglaro na rin at pagkatapos nun ay kami'y umuwi na.
Relo ang laman ng regalo na ibinigay sa akin ngunit agad kong tinapon ang pabalat nito at sinabi ko nalang kay mama ni binili ko ito sa halagang P50 dahil nahihiya ako na sabihin kay mama ang totoo.  

Wednesday, December 19, 2012

Hindi Inaasahang Pagtatanghal !

Mahal kong Talaarawan ,


    Hindi na nakakapagtaka kung bakit huli na naman akong dumating sa klase. Sa pagtakbo ko papuntang silid-aralan ay muntik pa akong madapa dahil sa bigat ng aking dala-dalang kustal dahil dala ko pa rin ang lahat ng aking kwaderno dahil umaasa akong papasok na ang iba naming guro. Ngunit wala na naman sila kaya parang walang pinagkaiba ang kahapon sa ngayon.
    Ngayon din nakatakda ang araw na manonood ng cultural show ang aming pangkat ngunit hindi na ako sumali hindi dahil ayokong mapanood ang sayaw ng punong-guro  at hindi rin dahil sa wala akong pambayad ng tiket, kundi dahil ayoko lang at ang araw-araw na paulit-ulit na pagpapraktis ng mga kaklase kong magtatanghal ay napanood ko na kaya nwalan ako ng kasabikan na panoorin pa ito.
Isa rin ako sa mga inatasan ng aming guro sa T.L.E. na magsasagawa ng programa para sa pagpili ng pinakamagandang maliit na modelo ng bahay. Kailangan din dito ng mga mgatatanghal at isa ako sa mga iyon pero dahil kaunti ang mga nagtanghal sa ibang pangkat ay ako ang pinatanghal ni titser na hindi ko inaasahan. Puro pag-gigitara ang ipinakita ko,  at dahil diyan, sumakit ang mga daliri ko.

Pagkatapos ng klase ay lumabas ako at may nakipagkamay sa akin na isang lalaki na isa rin sa mga nagtanghal gamit ang gitara. Nakipagkamay siya at sinabi ang kanyang pangalan at gayundin ang ginawa ko. Siya'y si Lorence na magaling din maggitara.

Tuesday, December 18, 2012

Pagpasok ng Huli .

Mahal kong Talaarawan ,

    Sa aking pagpasok sa silid-aralan ay ako'y nahuli kaya't ako ay nagmadaling umupo sa aking upuan habang nakatalikod ang aming guro. Gaya ng kahapon, Ilan sa aming guro ay wala kaya naman ako'y muling nabagot at dahil dala ng aking kaklase ang kanyang gitara, kami ay nagtugtugan nalang.
    Pagkatapos ng aming klase ay hindi muna ako umuwi dahil nagpaturo sa akin ang kaklase ko ng gitara kaya saktong maglalabindala na ng tanghali ako nakauwi at naghahanda na rin c mama ng aming pananghalian.
    Nang ako ay makakain ay ako'y natulog dahil gusto ko talagang tumangkad kahit parang malabong mangyari. Paggising ko'y kumain na ng hapunan at nanood kami ni papa ng pelikula dahil nakahiligan namin ang manood ng mga pelikula na dinawnlowd dahil wala kaming telebisyon kaya maghahatinggabi na naman ako nakatulog. 

Monday, December 17, 2012

Ang Muling Pagpasok sa Silid-Aralan .

Mahal kong Talaarawan ,


    Sa pagpasok ko sa aming silid-aralan ay nakaramdam ako ng konting kaba dahil sa takot na matawag ng aming mga guro dahil halos tatlong linggo akong lumiban sa klase gawa ng ako'y isa sa mga nagpipinta para sa mural painting contest at hindi ko alam kung ano na ang nangyayari sa aming klase at kung ano na ang kanilang tinatalakay na mga aralin.


    Ilan sa aming mga guro ay hindi pumasok at nagturo kaya naman ay medyo nakakabagot dahil na rin kakaunti lang kami sa aming silid-aralan dahil halos lahat ng aming mga kaklase ay magtatanghal sa culural show.

    Pagkatapos ng aming klase ay ako'y umuwi na upang kumain. Pagkatapos nito'y ako'y natulog at nagising na ng hapon. Pagkakain ko ng hapunan ay muli akong natulog dahil sa antok.

Saturday, December 15, 2012

Buod

- Ito ang pinakasimpleng anyo ng paglalahad na kung saan ay pinapaiksi ang isang akda at ginagamitan ng mas mabababaw na salita.


Pormula sa Pagbubuod

- 2K = Kaisipan + Kaisahan
   3M = Magaan + Maayos + Mabisa

Friday, December 14, 2012


Mga Kabanatang tinalakay sa Noli Me Tangere

 Matapos naming talakayin ang iba't-ibang akda ay kami ay dumako na sa mga piling kabanata mula sa Noli Me Tangere na makikitaan ng mga simbolo at iba't-ibang uri ng tunggalian.
 Ang mga kabanatang ito ay:

*Kabanata 1: Isang Pagtitipon
*Kabanata 10: Ang Bayang ng San Diego
*Kabanata 16: Sisa
*Kabanata 39: Donya Consolacion
*Kabanata 19: Ang Karanasan ng isang guro

Thursday, December 13, 2012


Simbolo 

- Ang simbolo ay ang mga bagay na nais ipahiwatig sa loob ng isang akda. Nakakatulong din ito sa mambabasa upang gumamit ng kritikal na pag-iisip.

Ironiya

- Isang uri ng tayutay na ginagamit upang maging masining ang paglalahad ng buhay sa loob ng isang akda at dahil na rin ito ang nagpapahayag ng mga hindi sukat akalaing pangyayari.

Wednesday, December 12, 2012


Mga Iba’t-ibang Uri ng Tunggalian


Ang tunggalian sa nobela ay nahahati sa tatlo:

a. Tao sa tao - ang kasawian ng isang tao ay dulot ng kanyang kapwa.
b. Tao sa sarili - isang maigting na paglalaban ng tao sa kanyang sarili.
c. Tao sa lipunan - maigting na pakikibaka ng tauhan sa isang lipunang kanyang ginagalawan.

Larawan:http://farm3.staticflickr.com/2280/2246718419_b55f53ab55_z.jpg 


Tuesday, December 11, 2012


Mga Karapatang Pambata

1.Karapatan na maisilang at magkaroon ng pangalan at nasyunalidad.

2.Karapatan na maging malaya at magkaroon ng pamilyang mag-aaruga.
3.Karapatan na mabigyan ng sapat na edukasyon.
4.Karapatan na mapaunlad ang kasanayan.
5.Karapan na magkaroon ng sapat na pagkain at tirahan at may malusog at aktibong katawan.
6.Karapatan na matutuhan ang mabuting asal at kaugalian.
7.Karapatan na mabigyan ng pagkakataon na makapaglaro at makapaglibang.
8.Karapatan na mabigyan ng proteksiyon laban sa pagsasamantala, panganib at karahasang bunga ng mga paglalaban.
9.Karapatan na manirahan sa isang payapa at tahimik na pamayanan.
10.Karapatan na maipagtanggol at matulungan ang pamahalaan; at.
11.Karapatan na makapagpahayag ng sariling pananaw.

Monday, December 10, 2012

Tata Selo ni Rogelio R. Sikat


Tata Selo

   Ang akdang "Tata Selo" ay pumapatungkol sa mga hirap na dinanas ni Tata Selo at ang kawalan ng hustisya.


Tata Selo
Ni Rogelio R. Sikat
  
 Maliit lamang sa simula ang kulumpon ng taong nasa bakuran ng munisipyo, ngunit nang tumaas ang araw, at kumalat na ang balitang tinaga at napatay si Kabesang Tano, ay napuno na ang bakuran ng bahay-pamahalaan.
          Naggitgitan ang mga tao, nagsiksikan, nagtutulakan, bawat isa’y naghahangad makalapit sa istaked.
          “Totoo ba, Tata Selo?”
          “Binabawi niya ang aking saka kaya tinaga ko siya.”
          Nasa loob ng istaked si Tata Selo. Mahigpit na nakahawak sa rehas. May nakaalsang putok sa noo. Nakasungaw ang luha sa malabo at tila lagi nang may inaaninaw na mata. Kupas ang gris niyang suot, may mga tagpi na ang siko at paypay. Ang kutod niyang yari sa matibay na supot ng asin ay may bahid ng natuyong putik. Nasa harap niya at kausap ang isang magbubukid, ang kanyang kahangga, na isa sa nakalusot sa mga pulis na sumasawata sa nagkakaguluhang tao.
          “Hindi ko ho mapaniwalaan, Tata Selo,” umiling na wika ng kanyang kahangga, “talagang hindi ko mapaniwalaan.”
          Hinaplus-haplos ni Tata Selo ang ga-dali at natuyuan na ng dugong putok sa noo. Sa kanyang harapan, di-kalayuan sa istaked, ipinagtutulakan ng mga pulis ang mga taong ibig makakita sa kanya. Mainit ang sikat ng araw na tumatama sa mga ito, walang humihihip na hangin at sa kanilang ulunan ay nakalutang ang nasasalisod na alikabok.
          “Bakit niya babawiin ang aking saka?” tanong ni Tata Selo. “Dinaya ko na ba siya sa partihan? Tinuso ko na ba siya? Siya ang may-ari ng lupa at kasama lang niya ako. Hindi ba’t kaya maraming nagagalit sa akin ay dahil sa ayaw kong magpamigay ng kahit isang pinangko kung anihan?”
          Hindi pa rin umaalis sa harap ng istaked si Tata Selo. Nakahawak pa rin siya sa rehas. Nakatingin siya sa labas ngunit wala siyang sino mang tinitingnan.
“Hindi mo na sana tinaga si kabesa,” anang binatang anak ng pinakamayamang propitaryo sa San Roque, na tila isang magilas na pinunong-bayang malayang nakalalakad sa pagitan ng maraming tao at ng istaked. Mataas ito, maputi, nakasalaming may kulay at nakapamaywang habang naninigarilyo.
          “Binabawi po niya ang aking saka,” sumbong ni Tata Selo. “Saan pa po ako pupunta kung wala na akong saka?”
          Kumumpas ang binatang mayaman. “Hindi katwiran iyan para tagain mo ang kabesa. Ari niya ang lupang sinasaka mo. Kung gusto ka niyang paalisin, mapaaalis ka niya anumang oras.”
          Halos lumabas ang mukha ni Tata Selo sa rehas.
          “Ako po’y hindi ninyo nauunawaan,” nakatingala at nagpipilit ngumiting wika niya sa binatang nagtapon ng sigarilyo at mariing tinakpan pagkatapos. “Alam po ba ninyong dating amin ang lupang iyon? Naisangla lamang po nang magkasakit ang aking asawa, naembargo lamang po ng kabesa. Pangarap ko pong bawiin ang lupang iyon, kaya nga po hindi nagbibigay ng kahit isang pinangko kung anihan. Kung hindi ko na naman po mababawi, masaka ko man lamang po. Nakikiusap po ako sa kabesa kangina, “Kung maari akong paalisin. Kaya ko pa pong magsaka, ‘Besa. Totoo pong ako’y matanda na, ngunit ako po nama’y malakas pa.’ Ngunit... Ay! tinungkod po niya ako nang tinungkod, tingnan po n’yong putok sa aking noo, tingnan po n’yo.”
          Dumukot ng sigarilyo ang binata. Nagsindi ito at pagkaraa’y tinalikuran si Tata Selo at lumapit sa isang pulis.
          “Pa’no po ba’ng nangyari, Tata Selo?”
          Sa pagkakahawak sa rehas, napabaling si Tata Selo. Nakita niya ang isang batang magbubukid na na nakalapit sa istaked. Nangiti si Tata Selo. Narito ang isang magbubukid, o anak-magbubukid, na maniniwala sa kanya. Nakataas ang malapad na sumbrerong balanggot ng bata. Nangungulintab ito, ang mga bisig at binti ay may halas. May sukbit itong lilik.
          “Pinutahan niya ako sa aking saka, amang,” paliwanag ni Tata Selo. “Doon ba sa may sangka. Pinaalis sa aking saka, ang wika’y tinungkod ako, amang. Nakikiusap ako, sapagkat kung mawawalan ako ng saka ay saan pa ako pupunta?”
          “Wala na nga kayong mapupuntahan, Tata Selo.”
          Gumapang ang luha sa pisngi ni Tata Selo. Tahimik na nakatingin sa kanya ang bata.

          “Patay po ba?”
          Namuti ang mga kamao ni Tata Selo sa pagkakahawak sa rehas. Napadukmo siya sa balikat.
          “Pa’no pa niyan si Saling?” muling tanong ng bata. Tinutukoy nito ang maglalabimpitong taong anak ni Tata Selo na ulila na sa ina. Katulong ito kina Kabesang Tano at kamakalawa lamang umuwi kay Tata Selo. Ginagawang reyna sa pista ng mga magbubukid si Saling nang nakaraang taon, hindi lamang pumayag si Tata Selo. “Pa’no po niyan si Saling?”
          Lalong humigpit ang pagkakahawak ni Tata Selo sa rehas.
          Hindi pa nakakausap ng alkalde si Tata Selo. Mag-aalas-onse na nang dumating ito, kasama ang hepe ng mga pulis. Galing sila sa bahay ng kabesa. Abut-abot ang busina ng diyip na kinasasakyan ng dalawa upang mahawi ang hanggang noo’y di pa nag-aalisang tao.
          Tumigil ang diyip sa di-kalayaun sa istaked.
          “Patay po ba? Saan po ang taga?”
          Naggitgitan at nagsiksikan ang mga pinagpapawisang tao. Itinaas ng may-katabang alkalde ang dalawang kamay upang payapain ang pagkakaingay. Nanulak ang malaking hepe.
          “Saan po tinamaan?”
          “Sa bibig.” Ipinasok ng alkalde ang kanang palad sa bibig, hinugot iyon at mariing inihagod hanggang sa kanang punong tainga. “Lagas ang ngipin.”
          “Lintik na matanda!”
          Nagkagulo ang mga tao. Nagsigawan, nagsiksikan, naggitgitan, nagtulakan. Nanghataw na ng batuta ang mga pulis. Ipinasiya ng alkalde na ipalabas ng istaked si Tata Selo at dalhin sa kanyang tanggapan. Dalawang pulis ang kumuha kay Tata Selo sa istaked.
          “Mabibilanggo ka niyan,” anang alkalde pagpasok ni Tata Selo sa kanyang tanggapan.
          Pinaupo ng alkalde ang namumutlang si Tata Selo. Umupo si Tata Selo sa silyang nasa harap ng mesa. Nanginginig ang kamay ni Tata Selo nang ipatong niya iyon sa nasasalaminang mesa.\
          “Pa’no nga ba’ng nangyari?” kunot-noo at galit na tanong ng alkalde.
          Matagal bago nakasagot si Tata Selo.
          “Binabawi po niya ang aking saka, Presidente,” wika ni Tata Selo. “Ayaw ko pong umalis doon. Dati pong amin ang lupang iyon, amin po, naisangla lamang po at naembargo.”
          “Alam ko na iyan,” kumukumpas at umiiling na putol ng nagbubugnot na alkalde.
          Lumunok si Tata Selo. Nang muli siyang tumingin sa presidente, may nakasungaw na luha sa kanyang malalabo at tila lagi nang may inaaninaw na mata.
          “Ako po naman, Presidente, ay malakas pa,” wika ni Tata Selo. “Kaya ko pa pong magsaka. Makatwiran po bang paalisin ako? Malakas pa po naman ako, Presidente, malakas pa po.”
          “Saan mo tinaga ang kabesa?”
          Matagal bago nakasagot si Tata Selo.
          “Nasa may sangka po ako nang dumating ang kabesa. Nagtatapal po ako ng pitas sa pilapil. Alam ko pong pinanood ako ng kabesa, kung kaya po naman pinagbuti ko ang paggawa, para malaman niyang ako po’y talagang malakas pa, na kaya ko pa pong magsaka. Walang anu-ano po, tinawag niya ako at ako po’y lumapit, sinabi niyang makaalis na ako sa aking saka sapagkat iba na ang magsasaka.”
          “Bakit po naman, “Besa?” tanong ko po. Ang wika’y umalis na lang daw po ako. ‘Bakit po naman, ‘Besa?’ tanong ko po uli, ‘malakas pa po naman ako, a.’ Nilapitan po niya ako nang tinungkod.”
          “Tinaga mo na n’on,” anang nakamatyag na hepe.
          Tahimik sa tanggapan ng alkalde. Lahat ng tingin – may mga eskribiyente pang nakapasok doon – ay nakatuon kay Tata Selo. Nakauyko si Tata Selo at gagalaw-galaw ang tila mamad na daliri sa ibabaw ng maruming kutod. Sa pagkakatapak sa makintab na sahig, hindi mapalagay ang kanyang may putik, maalikabok at luyang paa.
          “Ang inyong anak, na kina Kasesa raw?” usisa ng alkalde.
          Hindi sumagot si Tata Selo.
          “Tinatanong ka,” anang hepe.
          Lumunok si Tata Selo.
          “Umuwi na po si Saling, Presidente.”
          “Kailan?”
          “Kamakalawa po ng umaga.”
          “Di ba’t kinatatulong siya ro’n?”
          “Tatlong buwan na po.”
          “Bakit siya umuwi?”
          Dahan-dahang umangat ang mukha ni Tata Selo. Naiyak na napayuko siya.
          “May sakit po siya?”
          Nang sumapit ang alas-dose – inihudyat iyon ng sunud-sunod na pagtugtog ng kampana sa simbahan na katapat lamang ng munisipyo – ay umalis ang alkalde upang manghalian. Naiwan si Tata Selo, kasama ang hepe at dalawang pulis.
          “Napatay mo pala ang kabesa,” anang malaking lalaking hepe. Lumapit ito kay Tata Selo na nakayuko at din pa tumitinag sa upuan.
          “Binabawi po niya ang aking saka,” katwiran ni Tata Selo.
          Sinapok ng hepe si Tata Selo. Sa lapag, halos mangudngod si Tata Selo.
          “Tinungkod po niya ako nang tinungkod,” nakatingala, umiiyak at kumikinig ang labing katwiran ni Tata Selo.