Ang
Alibughang Anak
"May isang
tao na may dalawang anak na lalaki. Ang wika ng bunso, "Ama, ibigay na po
ninyo sa akin ang mamanahin ko." At binahagi sa kanila ng ama ang kanyang
ari-arian. Pagkalipas ng ilang araw, ipinagbili ng bunsong anak ang kanyang
ari-arian at nagtungo sa malayong lupain, taglay ang buo niyang kayamanan, at
doo’y nilustay na lahat sa di wastong pamumuhay. Nang malustay na niya ang
kanyang kayamanan, nagkaroon ng matinding taggutom sa lupaing yaon, at naghirap
siya. Kaya namasukan siya sa isang mamamayan ng lupaing yaon. Pinaparoon siya
nito sa bukid upang mag-alaga ng baboy. Ibig sana niyang punan ang kanyang
pagkain kahit ng mga bungang-kahoy na ipinakakain sa mga baboy ngunit walang
magbigay sa kanya. Ngunit nang mapag-isip-isip niya ang kanyang ginawa, nasabi
niya sa sarili, "Ang mga alila ng aking ama ay may sapat na pagkain – at
lumalabis pa – samantalang ako’y namamatay dito sa gutom! Babalik ako sa aking
ama, at sasabihin ko sa kanya, "Ama, nagkasala po ako sa Diyos at sa inyo.
Hindi na po ako karapat-dapat na tawagin ninyong anak; ibilang na lamang ninyo
akong isa sa inyong mga alila." Tumindig siya at nagtungo sa kanyang ama.
"Malayo
pa’y natanawan na siya ng ama at ito’y labis na nahabag sa kanya, kaya patakbo
siyang sinalubong, niyakap at hinagkan. Sinabi ng anak, "Ama, nagkasala po
ako sa Diyos at sa inyo. Hindi na po ako karapat-dapat na tawagin ninyong
anak." Ngunit sinabi ng ama sa kanyang alila, "Madali! Dalhin ninyo
rito ang pinakamahusay na damit at isuot sa kanya. Suutan siya ng singsing at
panyapak. Kunin ang pinatabang guya at patayin; kumain tayo at magsaya!
Sapagkat namatay ang anak kong ito, ngunit muling nabuhay; nawala, ngunit
nasumpungan."
Nasa bukid noon
ang anak na panganay. Umuwi siya, at nang malapit na sa bahay ay narinig niya
ang tugtugan at sayawan. Tinawag niya ang isa sa mga alila at tinanong:
"Bakit? May ano sa atin?" Sumagot ito sa kanya, "Dumating po ang
inyong kapatid! Ipinapatay ng inyong ama ang pinatabang guya, sapagkat nagbalik
siyang buhay at walang sakit." Nagalit ang panganay at ayaw pumasok. Kaya
lumabas ang kanyang ama at inamu-amo siya. Ngunit sinabi niya,
"Pinaglingkuran ko po kayo sa loob ng maraming taon, at kailanma’y hindi
ninyo ako binigyan ng kahit isang bisirong kambing para magkatuwaan kami ng
aking mga kaibigan. Subalit nang dumating ang anak ninyong lumustay ng inyong
kabuhayan sa masasamang babae, ipinagpatay pa ninyo ng pinatabang guya!"
Sumagot ang kanyang ama, "Anak, lagi kitang kapiling. Ang lahat ng
ari-arian ko’y sa iyo. Ngunit dapat tayong magsaya at magalak, sapagkat namatay
na ang kapatid mo, ngunit muling nabuhay; nawala, ngunit nasumpungan."
No comments:
Post a Comment