Monday, September 3, 2012

Sa Tabi ng Dagat


Ang tulang sa tabi ng dagat ay patungkol sa bawat panahon ng pag-iibigan ng magsing-irog. Mula sa umaga na sinusuyo ng binata ng dalaga hanggang sa pagsapit ng hapon na ang ibig sabihin na kung minsa'y sa huli ay maaaring mawala ang damdamin nila sa isa't-isa.


Sa Tabi Ng Dagat
Ni : Ildefonso Santos

Marahang-marahang
manaog ka, irog, at kata’y lalakad,
maglulunoy katang
payapang-payapa sa tabi ng dagat;
di na kailangang
sapnan pa ang paang binalat-sibuyas,
ang daliring garing
at sakong na wari’y kinuyom ng rosas!

Manunulay kata,
habang maaga pa, sa isang pilapil
na nalalatagan
ng damong may luha ng mga bituin;
patiyad na tayo
ay maghahabulang simbilis ng hangin,
ngunit walang ingay,
hanggang sa sumapit sa tiping buhangin…

Pagdating sa tubig,
mapapaurong kang parang nangingimi,
gaganyakin kita
sa nangaroroong mga lamang-lati;
doon ay may tahong,
talaba’t halaang kabigha-bighani,
hindi kaya natin
mapuno ang buslo bago tumanghali?

Pagdadapithapon,
kata’y magbabalik sa pinanggalingan,
sugatan ang paa
at sunog ang balat sa sikat ng araw…
Talagang ganoon:
Sa dagat man, Irog, ng kaligayahan,
lahat, pati puso
ay naaagnas ding marahang-marahan…

2 comments: